Ang Wika sa Panahon ng Patayan - Tinig by Remmon E. Barbaza

November 05, 2018
By: 
Remmon E. Barbaza

Walang dudang sa mga darating na panahon, kapag babalikan ang administrasyong Duterte, ang isa sa mga una, kundi man pinakauna, na sasagi sa isip ay ang malawakang patayang naganap sa ilalim ng drug war. Anuman ang paninindigan ninuman tungkol sa digmaan laban sa droga na nauwi sa pagpaslang sa libu-libo sa labas ng kapangyarihan ng batas (higit na kilala bilang extrajudicial killings o EJK)—sang-ayon man o tutol—tiyak na ito ang magbubukod-tangi sa pamahalaang ito.

Bukod pa sa EJK, maaaring ibilang ang pederalismo (bagaman nabigo), ang pagbaling sa Tsina, ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ang pagkasira ng mga institusyon, ang panggigipit sa oposisyon, ang pagkalat ng fake news, ang pangkalahatang paglabag sa mga karapatang pantao (maging ang mismong pagtutol sa pagkakaroon ng mga ito), at ang pagkawala ng independensiya ng hudikado.

Sa gitna ng mga malalimang kasamaang ito na tila isang orkestradong pagbubuwag ng mga pinakapundamental na batayan ng malayang pamumuhay ng mga tao bilang tao, sinong makapag-iisip na ibilang ang wika sa mga nasalanta sa ilalim ng rehimeng ito, huwag nang ipagpalagay pa na ito marahil ang pinakauna at pinakamahalaga sa mga winasak at patuloy na winawasak?

Ngunit paano nga ba kung sa katotohanan, ang wika ang una at pinakamahalaga sa mga winawasak sa panahong ito ng patayan? Paano nga ba kung ang wika mismo ang kondisyon sa posibilidad ng kapwa pagbubuo at pagwasak, ng kapwa pagtataguyod ng buhay at ng pagpapalaganap ng patayan?

Ang kasagutan sa mga katanungang ito ay nakasalalay sa mismong pag-unawa natin sa kung ano ang wika, sa esensyal na pag-iral na ito. Para sa marami, ang wika ay walang iba kundi at hindi na hihigit pa sa instrumento ng pagpapahayag. At bilang instrumento, maaari itong gamitin sa kahit na anong layunin, maaari itong baguhin upang lalong maging epektibo bilang kasangkapan, o maaari di namang isantabi at hayaang kalawangin at mabulok na lamang. Bilang instrumento, maaaring paghusayan ang paggamit dito, at nang sa gayon ay makayanang pangibabawan at kontrolin ito. Bilang kasangkapan, maaari din itong palit-palitan ng bago at higit na epektibong instrumento.

 

Kapag kinakasangkapan ang wika, maaari itong gawing sandata. Madalas itong bigkasin sa Ingles bilang weaponization of language. Napag-alaman na, na ang paglaganap ng fake news at ng mga troll farms, bukod-tangi sa pamamagitan ng Facebook, ay isa sa mga pangunahing taktikang ginamit sa pagkapanalo kapwa nina Rodrigo Duterte at Donald Trump. Isa itong malinaw na halimbawa ng pagsasangkasangkapan ng wika, ng instrumentalisasyon ng wika, alang-alang sa isang itinakdang layunin. Hindi na mahalagang tanungin kung ano nga ba ang wika. Hindi na rin mahalaga kung ang ipinapahayag nga ba ay batay sa katotohanan. Kapwa wika at katotohanan ay ipinasailalim sa mga praktikal na layunin, at tanging ang pagkamit ng mga ito ang mahalaga.

Ang pagsasakasangkapan ng wika ay nagpapakita ng ating relasyon sa wika bilang tao, bilang siyang bumibigkas. Paano nga ba tayo tumatayo kaugnay ng wika? Anong uring relasyon ito?

Noong mga unang taon ng dekada 1950, sa isang panayam na pinamagatang “Pagtatayo Pananahan Pag-iisip” (Bauen Wohnen Denken), sinabi ni Heidegger ang mga sumusunod:

Ang wika ang nagsasabi sa atin kung ano ang esensya ng isang bagay, sa kondisyon na iginagalang natin ang sariling esensya ng wika. Samantala, walang dudang rumaragasa sa buong mundo ang walang paghihinay at sabay na pakitang-gilas na pagsasalita, pagsusulat, at pagbobrodkast ng mga binigkas na salita. Umaasta ang tao na tila ba siya ang lumikha ng wika at nangingibabaw sa wika, gayong sa katunayan ang wika ang siyang nananatiling nangingibabaw sa tao. Una sa lahat, maaaring itong pagbabaligtad, itong subersyon ng relasyon ng dominasyon sa pagitan ng tao at wika ang siyang nagtutulak sa esensya ng tao tungo sa alyenasyon. Ang pag-iingat sa pananalita ay maaaring mabuti, ngunit walang mapapala dito kapag patuloy nating itinuturing ang wika bilang kasangkapan lamang ng pagpapahayag. Sa lahat ng mga panawagan na maaari nating bigkasin—tayo bilang tao at mula sa ating kakayanan bilang tao—ang wika ang kauna-unahan at sa lahat ng dako ang siyang kataas-taasan.

Mula saan at paano ito nasabi ng isang palaisip? Nakinig siya sa isang makata, na masasabing siyang pinakalamapit sa wika, at sa bukal ng wika. Nakinig siya, halimbawa, kay Stefan George, bukod-tangi sa kanyang tulang pinamagatang “Ang Salita” (Das Wort). Pinagtuunan niya ang huling dalawang linya nito:

So lernt ich traurig den verzicht:
Kein ding sei wo das wort gebricht.

At sa gayon malungkot kong natutunan ang pagpapaubaya:
Walang bagay na iiral sa dakong salat sa salita.

Ang ganitong pag-unawa sa wika ng kapwa palaisip at makata ay nagmumula sa isang primordyal na relasyon ng tao sa wika. Malayung-malayo ito sa relasyong kumakasangkapan sa wika. Sa orihinaryong relasyong ito, hindi kasangkapan ang wika. Ayon nga kay Heidegger, “Hindi tao ang bumibigkas sa wika. Wika ang siyang bumibigkas.” At anumang pagbigkas ng tao ay pagtugon lamang sa kung anumang naunang nangusap sa kanya.

May natatanging kapangyarihan ang wika, ang bawat kataga. Sa kuwento ng paglikha ng sanlibutan, lumitaw ang mga bagay-bagay matapos bigkasin ito ng Diyos. “Hayaang magkaroon ng liwanag,” at nagkaroon nga ng liwanag.

Noong nangangampanya si Duterte sa pagkapangulo, naging bukambibig niya ang pagpatay. Ayon sa kanya, dadanak ang dugo, daan-daang libong bangkay ang ihahagis sa Manila Bay, na magpapataba diumano sa mga isda. Hindi pa nangangahalati sa kanyang pagkapangulo, mahigit dalawampung libo na ang tinatayang pinatay sa drug war, na isa lamang pagpapalaganap ng dati nang naganap noong siya ay mayor pa lamang ng lungsod ng Davao.

Ano nga ba ang kaugnayan ng wika sa panahon ng patayan? Paano tayo tumatayo bilang tao kaugnay ng wika? Ayon kay W.H. Auden, mula sa The Dyer’s Hand, “There is one evil . . . which should never be passed over in silence but be continually publicly attacked, and that is the corruption language.”

Sa panahon ng malawakang patayan, sa gitna ng walang-tigil na pagpaslang, saan tayo tumatayo kaugnay ng wika? Ano ang ating binibigkas? Saan nagmumula ang ating pagbigkas?
 
The views expressed in this piece are those of the author and do not necessarily represent the views of School of Humanities or the Ateneo de Manila University.