Hindi Lang Puti o Itim

December 16, 2019
By: 
John Paul A. Bolano

Sinasabing kung gaano karami ang mga tao sa lipunan ganoon rin karami ang mga panig na kanilang sinasaligan. Ngunit nitong mga nagdaang mga taon, waring nahahati na lamang ang mga tao sa pagitan ng dalawang panig: sa pagitan ng mga suportado o mga salungat, sa pagitan ng itim o puti, Dilawan o DDS, pro o anti. Maraming nakapapansin na lalong tumingkad daw ang paghahating ito dahil sa paglakas ng impluwensya ng social media. Lumakas lalo ang pagkakahati dahil sa pamamagitan umano ng mga algorithm na nagpapatakbo sa sistema ng social media, na ang tanging nakikita lamang ng mga tao ay ang mga posts na karaniwang sumasang-ayon at pabor sa kanilang mga pagkiling at panlasa. Dahil dito, lumalakas na lamang ang alingawngaw ng mga tinig sa echo chamber. Nawawala na ang kakayahan para sa diyalogo at espasyong tumagos sa mga “silid” ng ating mga opinyon at panig. Siguro mas makapal pa nga ang mga dingding nito kaysa sa mga dingding na naghahati ng mga gusali at struktura. Nabanggit nga ng isang kaibigang guro mula sa isang kagawaran, noong nadako sa parehong paksa ang aming usapan, “Pareho tayong hindi tolerant sa isa’t isa.” Sa tingin natin, sila lang yung hindi nakakakita ng kanilang bias at hindi tolerant, pero ang totoo, ganoon rin naman tayo.

Sa ngayon, ang pinakamatingkad na halimbawa nito ay ang isyu ng kritisismo sa ginaganap na Southeast Asian o SEA Games. Mayroong mga tao na galit na galit sa mga lumalabas na mga balita ukol sa mga kapalpakan at nakakahiyang kakulangan sa ating paghahanda at umaalingasaw na korapsyon sa paggamit ng pondo para sa SEA Games. May mga pulitiko naman at mga taong sumusuporta sa kanila na nagsasabing demolition job lang daw ito na naglalayong ipahiya ang ating bansa. Madalas rin nilang sinabi na sumuporta na lamang raw para sa ikapagtatagumpay ng SEA Games sa halip na batikusin ito. Ngunit higit na nakakatuwang makita ang umiikot na palitan ng mga kuro-kuro na “supalpal“ raw ang mga kritiko ng gobyerno nang makita kung gaano kaganda ang pagbubukas ng SEA Games noong Nobyembre 30 at kung paano raw nakikisawsaw ang mga kritiko sa banderang #WeWinAsOne matapos batikusin ito.

Hindi nalalayo rito, halimbawa, ang pagsuporta para sa mga karapatan ng LGBTQI at ang mga “konserbatibong” laban dito; ang mga suportado sa pagbabakuna at ang mga anti-vaxxers; ang mga taong nagsusulong ng climate justice at yung mga naniniwalang mito pa rin ang environmental destruction at climate emergency, at marami pang ibang magkakasalungat na panig.

Hindi tatalakayin sa sanaysay na ito kung sino ang tama o mali. Ang isyu rito ay ang pwersang nagtutulak para magkaroon ng bulag na paghahati ng mga tao, dibisyon, at, tulad ng madalas banggitin ng mga estudyante ko sa kanilang huling pagbikasang pagsusulit, othering. Madalas na argumento rito ang ugaling “If you are not with us, then you are against us.

Pinaalala nito sa akin ang isang mahalagang aral na natutunan ko mula sa aking kurso sa lohika noong kolehiyo. Madalas sabihin na ang kabaligtaran ng itim ay puti. Totoo naman, ngunit hindi ito ang kabuuan. Kung magiging maingat sa paghahanap ng kabiahan, hindi lang puti ang kabaligtaran ng itim. Maaari ring kabaligtaran ng itim ang narangha, bughaw, luntian, pula, lila, at puti. Samakatuwid, ang kabaligtaran (contradictory) ng itim ay hindi itim. Sa ilalim ng kategorya ng hindi itim, makikita ang puti at ang mga kulay. Ang puti ay isa lamang sa mga ito. Contrary lamang ang puti.

Para mas tumpak, kailangang isaalang-alang na hindi lamang iisa ang maaaring salungat sa isang bagay. Kung mayroon mang pinupunto rito, ito ay ang pagtanggap na hindi lagi maikakahon ang lahat ng isyu sa dalawang magkasalungat na panig lamang. Hindi pwedeng hatiin ang lahat sa itim o puti, pro o anti; maraming shades of gray, ika nga. Obvious na dapat ito para sa atin, ngunit sa katunayan ay nabubulagan pa rin ang karamihan sa mga bias at pagkiling, malay man tayo rito o hindi.

Bilang analohiya, ganito rin sa ating buhay at lipunan. Kung ganito sa mga kulay, masasabing mas kumplikado pa nga ang buhay sa lipunan. Hindi maaaring tumalon agad sa paglalahat, na kapag salungat ka sa isang isyu ay hindi ka na maaaring sumuporta, at purihin ang mabuti, rito. Gayundin, kung tunay na pumapanig ka ay hindi ibig sabihin na palalampasin na lang ang mga mali at hindi totoo. Pwedeng suportahan ang isang panig habang hindi tayo sumasang-ayon sa ilang mga aspeto nito. Pwedeng sumuporta sa tagumpay ng ating mga atleta at sa mga ginagawang tama para maidaos ang SEA Games at sabay na tuligsain ang mga irregularidad, ang mga katiwalian.
Ang kalaban dito ay ang irresponsableng paglalahat. Kung mayroon man itong tinutungo, ito ay ang pagkilatis sa mga kritikal na, at masusing pagtitimbang sa, mga aspeto ng isyu, malinaw at maaasahang pagkapit sa mga prinsipyo ng tama at totoo, at kabukasan na tanggapin na higit pa sa pagkakahati ng dalawang panig ang maaaring maging susunod na hakbang na mabuting gagawin.

Maaaring sabihin na klasikong halimbawa ito ng relatibismo, ng pagiging duwag na kumuha ng isang panig. Sa katunayan, isang pagsalungat din ito sa ganitong pangangatwiran. Mayroong mga pagpapahalagang hindi na isinasailalim sa usapan o debate. Malinaw na dapat ito ang katigan. Ang hinihingi ngayon, higit sa lahat, ay ang malinaw at matibay na pagkapit sa mga awtentiko at mabuting mga pagpapahalaga. Sa pananalita ng Espiritwalidad Ignasyano, hindi lamang marapat na sundin ang prinsipyo ng tantum quantumo pagpili ng panig hanggang ito ay makatutulong; dapat at lagi nitong sangkap ang malinaw at walang pasubaling pagpili sa ad majorem Dei gloriam.Ang pagkiling at pagpanig ay dapat para sa tama at para sa totoo, para sa buhay, para sa katarungan.

Sa huli, ang tawag ay ang kabukasan para tumagos sa hangganan ng ating mga pangkat sa pamamagitan ng pagtanaw na hindi naman palaging mahahati sa dalawang panig ang mga isyu at paghahanap ng kung tawagin ay creative tension, isang pagpanig na tapat sa katotohanan at kabutihan na maaabot lamang sa pamamagitan ng masusi at sinserong paghahanap sa katotohanan sa anumang pagkakahati o dibisyon.