Pagkapátid sa Dahas ng Kapatiran

October 14, 2019
By: 
Andrea Anne I. Trinidad
Karahasan ang pumipinta sa karanasang kinalulubluban ng mamamayang Pilipino sa kasalukuyan. Bagaman taglay ng salitang “karahasan” ang kakarampot na kaibahan sa salitang “karanasan” dulot ng iisang titik, hindi matatawarang nagkakandalabo-labo na ang naturingang hangganan ng dalawa lalo na sa panahong tila laging maaaring ilugar at unawain ang ikalawa gamit ang una.
 

 
Suson-susong mararahas na pangyayari ang bumalot sa kolektibong karanasan ng ordinaryong Pilipino nitong mga nakaraang buwan lamang. Nariyan bilang halimbawa ang pang-araw-araw na karanasan ng pagsuong sa lumulubhang suliraning pantrapiko na hindi maikakailang marahas dahil ipinagpapalagay na makatarungan ang gawing pansamantalang pananggalang ng mga ordinaryong manggagawa ang kanilang mga hapong katawang piga sa trabaho habang hinihintay ang aktibong pagkilos ng gobyerno na bigyan ito ng kalutasan. Sumambulat din nitong nakaraan ang isyu ng muling pagbabalik ng malubhang sakit na poliosa bansa na umuugat mula sa marahas na panlilinlang sa publiko hinggil sa epekto ng pagpapabakuna na lalo pang pinasidhi nang ipagpalagay na hindi kabawasan ang pagkaltas ng higit sa 16.6 bilyong piso sa badyet na matatanggap ng DOH sa taong 2020 upang bigyang-prayoridad ang Intelligence Fund ng Opisina ng Pangulo sa mapanlinlang din nitong pagigiit ng pagsulong ng tunguhing may kinalaman sa pambansang seguridad.[1]
 
Pandarahas din sa kamay ng gobyernong nasasangkot sa kaniya-kaniyang katiwalian ang bumalot sa karanasan ng ilan sa pinakamarhinalisadong sektor ng bansa—nanatiling nasa “criminal rate” na walong piso kada kilo ang halaga ng bigas,[2] at patuloy na pinagtatakpan ng walang kuwentang paghahain ng mga diskuwento, freebies, at perks ang hindi pa rin naikakasang pagtaas ng sweldo ng mga guro na patuloy na inaalipin ng sistemang sinasandigan ng mga pampublikong paaralan at pamantasan.
 
Sa ganitong kaligirang batbat na ng iba’t ibang uri ng karahasan, nakapanlulumong isiping pinipili pa ring katigan ng ilan ang hayagang tanda nito na isinasandig sa ngalan ng namanang tradisyon—ang pagsapi sa mga kapatirang bumubuo ng hunghang na nosyon ng katapangan at katatagan. Bagaman matuturingang lihim na organisasyon ang mga ito na may kaniya-kaniyang pamamalakad na hindi basta-basta naaakses ng mga taga-labas, paulit-ulit nang nailalantad sa mata ng publiko ang kahinaan ng mga ito partikular na ang marahas na proseso ng hazing na pinagdaraanan ng mga miyembro para lang mabuo ang ilusyon ng nagkakaisang pangkat. Anupaman ang pilit na ikubli ang kasidhian ng karahasang pinagdaraanan ng mga baguhan sa kamay ng mga nakakatandang miyembro upang mahita rin nila ang pagkakalagak sa posisyong nangangako ng bentahe sa halos lahat ng aspektong kakailanganin upang maseguro ang makapangyarihang katayuan, lagi’t laging may lumilitaw na kasangkapan upang markahan, tulad ng mga pasang nagmamarka sa katawan ng biktima, ang angking kalupitan ng samahan.
 
Sa pagsasapelikula, halimbawa, ng mga karumal-dumal na karanasan ng mga neophyte sa kamay ng mga dapat nilang ituring na mastersa Batch ‘81 ni Mike de Leon noong 1982, naipamalas sa publiko ang hayagang pagkatig ng mga kapatiran sa marahas na pamantayan—pisikal na pananakit, sikolohikal na pananakot, at emosyunal na pagmamaliit sa pagkatao ng mga pinipiling sumapi rito. Gayon din, muling nakalikha ng latay sa pag-iral ng mga kapatiran ang pagsasadula ng Tanghalang Ateneo noong nakaraang taon lamang upang ilugar ang obra maestra ni de Leon sa panahon kung kailan tila muling namamayani ang karahasan at intensiyunal na pagpatay.
 
Bukod sa mga akdang pampanitikan na kumikilates at nagbibigay-puna sa lugar ng hazing sa modernong karanasan, kinakasangkapan din ng ilan ang social media upang isapubliko ang batik ng kalupitang nililikha ng mismong pag-iral ng mga kapatiran. Dahil napahihintulutan ng espasyong birtuwal ang mabisang pagsambulat ng katotohanang tiyak na gagalit sa sambayanang laging nakamasid habang napapanatiling tago ng sinumang nagsasapubliko ng insidente ang kaniying pagkakakilanlan, nagiging mas madali ang pagsiwalat sa madla ng pilit na ikinukubli at binuburang karahasang nakalagak sa mga kapatiran.
 
Kasabay ng kamakailan lang na paggunita sa ikalawang anibersaryo ng pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo, at ilang araw matapos mabalita ang pagpanaw ng kadete ng PMA na si Darwin Dormitorio, na parehong bunga ng pagsailalim sa hazing, muling nabaling ang atensiyon ng mamamayan sa pagkakaungkat ng kapatirang UP Sigma Rho dahil sa pagsasapubliko ng isang twitter-user ng ilang screenshots mula sa pag-uusap ng mga miyembro ng samahan na binubuo ng mga pamilyar nang elemento—larawan ng gagamiting paddle, mararahas na salitang may intensiyong manindak, at mga pasang nangingitim sa maga na naiwan sa katawan ng biktima.
 
Tulad ng inaasahang at paulit-ulit na namamalas sa mga pagkakataong sasambulat ang marahas na epekto ng hazingna naka-angkla sa hunghang na tradisyong “bumubuo” at nagbibigay ng di umano’y “kaganapan” sa kapatiran, nagkaroon ng kolektibong pagtutol sa maling pamamalakad ng samahan at malawakang pagpapahayag ng intensiyong tuldukan ito. Subalit napapabilang ang lahat ng ito sa siklong lagi’t laging mamamasdan tuwing may puputok na isyu—pansamantalang pagkilos lamang ang lahat ng ito, bagaman nagsasatining ng layuning wakasan na ang paniniwalang “Ang simula at wakas ay kapatiran” tulad ng isinusulong ng kapatirang AKO ukol sa pelikulang Batch ’81 na ubod ng paniniwalang kumitil at nagwakas sa buhay ng mga kabataang estudyante hindi lamang sa loob kundi pati na rin sa labas ng screen.
 
Kagaya ng pagpuna at pagtutol sa iba’t ibang uri ng karahasan, nauuwi ang mga usaping nakaugnay sa hazing at fraternity sa paulit-ulit lang ding “mariin na pagkokondena” ng mga nadadawit na institusyon, sa pagkakagalit ng komyunidad na malapit dito, at sa pakikisawsaw ng mga pulitikong tila hindi kailanman makapagpapangakong maisasakatuparan ang pinaigting nang Anti-Hazing Act. Kasabay ng unti-unting paghupa at muling pagkalaho ng isyu hangga’t sa mayroon muling mamatay bunga nito, patuloy na sasandig at sasandig ang mga nadadawit at sumusuporta ng tradisyon sa mga makinaryang magpupumilit na itago at burahin ang karahasan. Nariyan si Kevin Anarna, naihalal bilang provincial board ng ikalimang distrito ng Cavite,[3] na muling nalinis ang pangalan tulad ng paghahabilin nitong linisin ang frat lib na pinagdausan ng hazing na naging sanhi ng pagkamatay ni Castillo upang hindi madawit ang kapatiran sa kinasadlakan ng binata. Nariyan din naman ang ilang miyembro ng UP Sigma Rho na bumubuo rin sa University Student Council ng pamantasan na ikinukubli ang karahasang nagpapatakbo sa pinanggagalingang kapatiran sa pagpapaniwala sa kapwa mag-aaral na nagsusulong ito ng ligtas na kapaligiran para sa komyunidad. At siyempre, nariyan din ang ilan sa mga senador na kung hindi pinipiling magkibit-balikat tulad ni Tito Sotto, na naging bukas sa pag-aming tinatamad nang bisitahin muli ang batas, ay nagpapasya namang purihin at iangkla sa karahasan ang kapuri-puring estado sa kasalukuyan tulad ng naging pag-amin ni Bato dela Rosa hinggil sa usapin.
 
Ang mga tao, sistema, at institusyon na nabanggit ang patuloy na kumukupkop sa marahas na gawain. Kahit ipinagbabawal ito ng batas, hindi magiba-giba ang nagkukunwaring matatag na institusyon sapagkat naaasahan pa rin ng mga ito ang hindi pag-aksiyon ng mga namamalakad sa kanila at ang aktibong pakikisawsaw ng mga brod na may tangan-tangan na politiko at ekonomikong posisyon. Nananatiling lungga pa rin ng mga kapatiran ang mga unibersidad na humuhubog sa pag-iisip ng ilan sa mga mailuluklok na pinakamakapangyarihang tao sa loob at labas ng arena ng politika, ekonomiya, at maging ng akademya. Nagkakaroon ng pansamantalang pagsasatinig ngunit mauuwi rin ito sa di kalaunan na pananahimik, isang siklo na hindi nangangakong si Dormitorio o ang di-napapangalanang mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas ang huling biktima.
 
Kakatwang madalas iniuugat ang dahilan kung bakit nagiging kaakit-akit ang pagsali sa kapatiran sa layuning makapagkamit ng koneksiyon. Kakatwa sapagkat parikala nitong pinipilit ang bisa ng paghahain ng katawan—ang pangunahin at pinakahayag na bahagi ng ating sarili na naisasakasangkapan sa pakikipag-ugnayan sa iba—para pagpiyestahan at pasakitan sa ngalan ng pagkamit ng katapangan at katatagan. Sa panahon kung kailan may umiiral nang batas hinggil sa pagbabawal sa mga magulang—at pati na rin sa mga guro—na isailalim sa pananakit ang mga bata upang disiplinahin, kailangang kuwestiyunin kung anong karapatang mayroon ang mga kapatiran upang sandigan ang ganitong uri ng pangangatwiran. Sa panahon kung kailan tila kulang na kulang ang disiplina sa pagpapagana ng pag-iisip at pagsandig sa pakikipag-kapwa-tao, marapat pagmuni-munihan kung anong bisa pa ang kinakatigan ng pagkahumaling sa paglikha ng manufactured na tapang na nasa antas lamang ng pagiging façade. Sa panahon kung kailan unti-unti nang sumusulong ang lipunan sa progresibong pagtataya sa muling-paghubog ng hindi mapang-alipin at mapanakit na maskulinidad na bukas sa pagpapahayag hindi lamang ng katatagan ngunit pati na rin ng angking kahinaan, kailangang igiit na wala nang puwang ang pag-aasta sa katapangan.
Hindi maipagkakailang binabalot na ng karahasan ang ating ordinaryong karanasan. Mula sa araw-araw na pagbata sa iba’t ibang mukha nito, kinakailangan pa ba ng karahasan na institusyunalisado, na iginigiya ang kabataan sa pag-iisip na may bisa ang sadyang pananakit? Sa pagiging babad sa patong-patong na pandarahas na nararamdaman mula sa iba’t ibang bahagi ng araw-araw na pamumuhay, tila kinakailangan nang patirín o putulin ang nakakapátid na paniniwala sa mismong pag-iral at tunguhin ng kapatiran.

 

[1]Catalina Ricci S. Madarang, “The Proposed 2020 National Budget has Raised Questions and Concerns: We Listed Them Out,” Interaksyon (Setyembre 26, 2019), http://www.interaksyon.com/politics-issues/2019/09/26/155470/the-propose....
 
[2]Zoilo “Bingo” Dejaresco III, “The Tragedy of the Filipino Rice Farmers,” Business Mirror (Setyembre 12, 2019), https://businessmirror.com.ph/2019/09/12/the-tragedy-of-the-filipino-ric....
 
[3]Rambo Talabong, “Lawyer Linked to Atio Castillo Death Cover-up Wins in 2019 Elections,” Rappler (Mayo 17, 2019), https://www.rappler.com/nation/politics/elections/2019/230857-lawyer-lin....
 
Ang mga pananaw at opinyon na naihayag dito ay sa may akda lamang at hindi ito nangangahulugang opisyal na pananaw at opinyon ng Paaralan ng Humanidades at ng Pamantasang Ateneo de Manila.