Si Greta, Si Katkat, at Ang Bayan

October 09, 2019
By: 
Aaron Philip M. Dela Cruz
“How dare you continue to look away and come here saying that you're doing enough, when the politics and solutions needed are still nowhere in sight!” ang buong tapang na ibinulalas ni Greta Thunberg, 16, sa harap ng mga lider at pangulo ng mundo sa nakaraang United Nations Climate Action Summit noong ika-23 ng Setyembre 2019. Sa totoo lang, mukha siyang mas bata kaysa sa tunay niyang edad: suot ang fuchsia pinkniyang long-sleeves, na may boses na nanatiling malumanay kahit na siya’y nanginginig sa galit at buhok na naka-pigtail, hindi aakalain ng sinuman na may mabigat siyang ipinaglalaban, liban na lang sa mga mata niyang maluha-luha at halatang pagod nang makinig sa mga napapakong pangako ng mga nakatatanda sa kaniya.
 
Si Greta Thunberg sa U.N. Climate Action Summit. Sinipi ang larawan mula sa Phys.org.
 
 
How dare you. Ang kapal ng mukha niyong mga lider na ipamana itong sirang mundo sa amin. Aniya, pinaniwala ng mga matatanda ang mga kabataang katulad niya na sisikat pa rin ang araw sa kabila ng mga nararanasan nating unos sa mundo. Hindi sapat ang ginagawa ng mga korporasyon at ng mga lider ng iba’t ibang bansa upang sagipin ang ating mundo sa nag-aambang tuluyang pagkasira nito. Sa katunayan, hindi na nga akma ang katagang climate change; bagkus, dapat tawagin na itong climate apocalypse ayon sa The New Yorker dahil lubos na ang pagkasira ng mundo upang ibalik pa ito sa dati.[1]
 
Sa isa pang panayam ni Greta sa Punong Ministro ng Canada, harap-harapan niyang sinabing hindi sapat ang ginagawa niya para ibsan ang pagkasira ng kalikasan.
 
Nakatutuwa at nakalulungkot masilayan ang tulad ni Gretang pinapagalitan ang mga nakatatanda sa kanya. Nakatutuwa dahil patunay siya na malay ang kabataan sa mga isyung panlipunan at handa silang lumaban. Totoo ang paulit-ulit nating isinasambit na mga kataga ni Gat. Jose Rizal sa HEKASI class noong tayo’y bata pa—na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Subalit nakalulungkot dahil humantong na tayo sa puntong ito—na kailangan nang lumabas mula sa paaralan ang mga batang tulad ni Greta upang ipagtanggol ang kaniyang mundong tinitirhan para sa kinabukasan ng kanyang henerasyon.
 
Anim na taon lang ang tanda ko kay Greta ngunit masasabi kong wala pa akong naidudulot na sapat na pagbabago sa mundo. Narito ako ngayon, nakakulong sa aking kwarto’t nagsusulat tungkol sa kalikasan sa halip na ipaglaban ito sa lansangan tulad ni Greta at ng iba pang kabataan, kagaya ni Catherina Dalon o Katkat na patuloy ring binabatá ang kaniyang paglaban hindi lamang para sa kalikasan kundi pati na rin para sa kapakanan ng kaniyang komunidad.
 
Galing si Katkat sa Mindanao, ngunit namamalagi siya ngayon kasama ang 70 pang mag-aaral na Lumad sa loob ng Diliman campus ng University of the Philippines. Katutuntong lamang niya sa ikasampung baitang sa paaralang “bakwit” (school for evacuees) ngayong taon.[2]
 
Hindi tulad ni Greta na piniling lisanin ang kaniyang paaralan upang lumaban sa lansangan, napilitang iwanan ni Katkat ang kaniyang paaralan sa Davao nang pasabugin ito ng militar sa ilalim ng rehimeng Duterte base sa paniniwalang tinuturuan sila roon na mag-aklas sa pamahalaan. Ngunit itinayo ng mga Lumad ang mga paaralang ito upang tugunan ang pangangailangan sa edukasyon ng kanilang komunidad dahil hindi sila naaabot ng serbisyong publiko na handog ng DepEd.[3]
 
Si Greta Thunberg at isang kabataang Lumad. Sinipi ang larawan mula kay Facebook user @untitled.aypagboot.
 
Mapalad akong nakapakinig sa talumpati ni Katkat sa lobby ng Palma Hall habang naghihintay ng klase para sa aking masterado kamakailan lamang. Sigaw ni Katkat habang nakapalibot sa kaniya ang mga mag-aaral: “Marami sa atin nagpo-post, nag-ti-tweet ng ‘Save the Amazon.’ Subalit hindi natin alam na naghihingalo na rin ang Pilipinas at Mindanao sa pagpasok ng mga minahan na sumisira rin sa lupa.”
 
Dagdag pa niya na talamak din ang panghuhuli ng Philippine Eagle na itinuturing critically endangered speciesna matatagpuan sa Pantaron Range na kanilang pinoprotektahan. “Kung ililigtas natin at gusto nating protektahan ang kalikasan, kailangang kumilos tayo. Makikita ang tunay nating lakas sa pagkilos,” susog niya.
 
Isinasalaysay ni Katkat ang mga pinagdaanan nilang mga Lumad sa Davao. Sinipi mula kay Jim Bagano ang larawan sa kaliwa. Ang larawan sa kanan ay akin.
 
Nakatikwas ang ilang buhok ni Katkat habang nagsasalita, parang batang kagagaling lang mula sa pakikipaglaro ng habulan. Isinalaysay niya sa pagkakataong ito kung paano siya at ang kaniyang mga kapwa Lumad ay hinabol ng mga sundalo upang palayasin sila sa kanilang tahanan. Kulay itim ang suot niya at wala siyang binabasang papel sa kaniyang talumpati. Tulad ni Greta, bakas din sa mata niya ang dedikasyong tumayo sa sariling mga paa upang ipaglaban ang edukasyong ipinagkait sa kaniya.
 
Interseksyonal ang pagsagip sa kalikasan: ito ang aral na ipinamamahagi sa atin nina Greta at Katkat. Hindi maihihiwalay ang isyu ng pagkawasak ng kalikasan mula sa pangangailangang pagpapanagot sa mga korporasyong tumutulong sa pagkasira nito, tulad na lamang ng mga kumpanya ng langis na patuloy na nagpapalaganap ng fossil fuels.
 
Bukod dito, ang climate apocalypse ay hindi lamang tumutukoy sa pagkasira ng kapaligiran; konektado rin ito sa ikinahihinatnan ng mga taong nagdarahop sa patuloy na pagwasak dito tulad na lamang ng nararanasan ni Katkat. Sa ganitong gana maiuugnay sa usapin ng pagsagip sa kalikasan ang kalupitang nararanasan ng mga indigenous peoples(IP). Hindi lamang ang tinubuang lupa ng mga Lumad ang ninanakawan ng tirahan; kasama na rin ang ilang grupo tulad ng mga Aeta sa Tarlac (dahil sa pagtatayo ng Clark Green City)[4]at ang ilang Tagbanua na aming nakapanayam sa isang community visit na pinangunahan ng UGAT sa Aborlan, Palawan (dahil sa proyekto ng National Irrigation Administration [NIA] na magtayo ng P454-milyon na dam na maglulubog ng kanilang tirahan).
 
Maraming Greta at Katkat sa mundo. Sa Pilipinas, may Youth Strike 4 Climate Philippines na nangangasiwa sa pag-oorganisa ng kilos-protesta para sa mga kabataang naninindigan para sa kalikasan.
 
 
Nakiisa ang mga Atenisa sa Global Climate Strike. Sinipi ang larawan mula sa FB page ng Ateneo Environmental Science Society.
 
 
Sa katunayan, nakiisa kamakailan ang ilang mag-aaral ng Pamantasang Ateneo de Manila sa Global Climate Strike na ginanap sa Gate 2.5 sa Katipunan. Pinangunahan ito ng Ateneo Environmental Science Society, na ang panawagan nila para sa kalikasan, ayon sa kanilang pangulong si Kitkat Poe, ay panawagan din upang protektahan ang mga taong direktang naaapektuhan ng isyung ito. Sa isang panayam kasama ang Rappler, sabi niya,
 
In the context of Ateneo, it is no lie that we are in a more privileged position and so we need to use this position to fight for other sectors and to make our voices heard.… [Ateneans] might be better off in coping with the effects of climate change, but it won’t be the same case for other vulnerable people. This is why we are not just fighting for ourselves, but for others, as well.[5]
 
Matapos ang protesta, tumungo naman ang ilang mag-aaral sa monumento ni Jose Rizal sa Luneta upang makiisa sa Black Friday Protest bilang paggunita sa ika-47 na anibersaryo mula ng ipatupad ang batas militar noong panahon ni dating pangulong Ferdinand Marcos. Doon ko nakita ang isa sa aking pinakaunang mag-aaral nang magsimula ako magturo sa Ateneo. Habang nag-uusap kami, isa-isang nagpapahayag ng kanilang pagtutol sa pasismo, EJK, hazing, at climate change sa entablado sa harapan ang iba’t ibang kabataang kinatawan ng Mapua, De La Salle, UP, PUP, UST, at Ateneo.
 
Mahirap magkaroon ng pag-asa sa mundong bumubulusok patungo sa hinaharap na walang pangako, subalit narito ang kabataang handang lumaban para sa ating kinabukasan. Narito kami at gagawa kami ng pagbabago.
 
 
 
 
Ang Kabataang Makabayan, Lumalaban!
Ang Kabataang Lumalaban, Makabayan!
Sanggunian
 
 
[1]Jonathan Franzen, “What if we stopped pretending?,” The New Yorker (Sept. 8, 2019), https://www.newyorker.com/culture/cultural-comment/what-if-we-stopped-pr...(nabasa noong Sept. 28, 2019).
 
[2]Mariejo S. Ramos, “Moving up: ‘Lumad’ students on a long march from strife,” Inquirer.net(Mar. 31, 2019), https://newsinfo.inquirer.net/1101577/moving-up-lumad-students-on-a-long... (nabasa noong Sept. 28, 2019).
 
[3]Amanda Lingao, “Duterte threatens to bomb Lumad schools,” CNN Philippines (July 25, 2017), https://cnnphilippines.com/news/2017/07/25/Duterte-threatens-to-bomb-Lum... (nabasa noong Sept. 29, 2019).
 
[4]“Aetas fear for their lands, culture due to rise of New Clark City,” The Summit Express (Sept. 18, 2018), https://www.thesummitexpress.com/2018/09/aetas-fear-for-their-lands-cult... (nabasa noong Sept. 29, 2019).
 
[5]“Filipino youth call for urgent action as global climate strike begins,” Rappler (Sept. 20, 2019), https://www.rappler.com/move-ph/240650-photos-filipino-youth-call-urgent... (nabasa noong Sept. 29,  2019).
 
Ang mga pananaw at opinyon na naihayag dito ay sa may akda lamang at hindi ito nangangahulugang opisyal na pananaw at opinyon ng Paaralan ng Humanidades at ng Pamantasang Ateneo de Manila.