Pulitika at Pananampalataya- Tinig ni Ruben C. Mendoza

May 08, 2019

Marahil magkakasundo tayong lahat na malaki at malalim ang suliranin nating mga Pilipino pagdating sa pulitika sa ating bayan. Kinakasangkapan ng mga makapangyarihan at mayayaman ang pulitika para sa kanilang pansariling kapakanan, at sa maraming pagkakataon hindi man lamang isinaalang-alang ang kalagayan ng mga mahihirap at aba sa ating lipunan. Nagiging sagabal tuloy ang kalagayang ito sa pagpapatupad ng tunay na katarungang panlipunan na kung saan talagang naaalagaan ang mga pinakanangangailangan. Lumalabas tuloy na ang batas ay para lamang sa mga may kilala at koneksyon sa mga taong nasa kapangyarihan. Malas na lang ng isang tao kung wala siyang kilalang nasa puder. Nagiging kabayaran ang iba't ibang posisyon sa pamahalaan sa mga taong pinakakautangan sa pagkakaluklok sa puwesto ng isang pulitiko. Sa umiiral na sistema sa pulitika, ang pinakamahalagang katangian ng isang pulitiko ay ang pagiging tapat sa kanyang mga “backers,” mga patron na kanyang pinakakautangan ng loob—kahit na ang interes ng mga taong ito ay salungat sa interes ng taong-bayan. Marami sa ating mga pulitiko ang nasa puwesto hindi dahil karapat-dapat at kwalipikado sila, hindi dahil maganda ang kanilang “track record,” at hindi dahil komprehensibo at malinaw ang kanilang plataporma. Naluklok sila sa puwesto dahil nagkataong sikat sila. Ang ilang halimbawa ng mga pulitikong ito ay ang mga aktor na sina Lito Lapid, Bong Revilla, at Jinggoy Estrada. Idagdag pa natin dito ang boksingerong si Manny Pacquiao na ngayon ay isang senador na datapwat wala naman siyang ginawa sa Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas. Hindi ko lubos maisip kung bakit nga siya nahalal bilang kinatawan sa kongreso.

 
Kailangang tanungin natin ang ating sarili kung gusto nating magpatuloy ang ganitong kalagayan. Dahil hindi ito katanggap-tanggap ang situwasyong ito, may pananagutan ang bawat botante na maging matalino at kritikal sa paghalal ng ating mga pulitiko. Alam ko na hindi madaling baguhin ang aspetong ito ng ating kultura ngunit ang halalan ay isang pamamaraan kung paano tayo puwedeng makaambag sa tunay na pagbabago na kung saan ang interes ng bayan ang binibigyang-diin at halaga. Sa kalagayang ito, may hamon sa mga Katoliko na bumoto ayon sa kanilang konsensiya—isang konsensiya na nahubog batay sa pakikipagtagpo nila kay Hesus na nagmahal, nagpatawad, at nagmalasakit sa mga dukha ng lipunan. Hindi lingid ang kalagayan natin sa pulitika sa mga Katolikong obispo kaya nga tuwing halalan, nagpapaalala sila na bumoto lamang para sa mga kandidatong karapat-dapat. 
 
Makailang beses nang sinabi ng mga pinuno ng simbahan na iboto ang mga kandidatong: i) maka-Diyos; ii) makatao; iii) makabayan; at iv) makakalikasan. Sila ang mga kandidatong tunay na may malasakit sa kabutihan ng bayan, lalo na sa mga maralita. Wala silang hinahangad kundi ang makapaglingkod sa taong-bayan. Ipinagtatanggol nila ang karapatang-pantao ng bawat mamamayan, maging mababa pa man ang kanilang pinanggalingan. Hangad nila na magkaroon ng tunay na katarungang panlipunan na kung saan ang pagpapatakbo ng ekonomiya ay hindi naaayon lamang sa mga interes ng mga kapitalistang mapang-isa datapawat ayon sa interes ng mga nasa laylayan ng lipunan. Layunin din nila na mabigyan ng kapangyarihan ang taong-bayan na magpasya at kumilos para sa kanilang sarili nang sa gayon ay hindi sila habang-buhay na aasa na lamang sa mga makapangyarihan. Bukod sa mga ito, may kakayanan silang maglingkod (“competent”) at dahil dito may malinaw at komprehensibong plataporma. Dagdag pa rito ang kalinisan ng kanilang pangalan mula sa anumang bahid ng anomalya at korapsyon. ‘Di sila tulad ng mga pulitikong walang isang salita at integridad na ang habol lamang ay ang pagkakaroon ng kapangyarihan—hindi upang gamitin ito upang makapaglingkod ngunit para lamang magkaroon nito. ‘Di sila tulad ng mga kandidatong ang pangunahing kwalipikasyon ay ang pagiging malapit sa mga nasa may kapangyarihan. ‘Di sila tulad ng mga kandidatong sikat ang apelyido ngunit wala namang kakayanang gampanan ang posisyon sa pamahalaan. 
 
Panahon na, na imulat natin ang ating mga mata upang makita ang tunay na kulay ng ating mga pulitiko. Panahon na, na bumoto tayo hindi upang makuha ang ating makitid na interes ngunit upang makatulong tayo sa tunay na pagpapaunlad ng kalagayan ng bayan. Panahon na, na tanggihan natin ang sistemang umiiral at humubog ng panibagong sistema na kung saan mananaig ang “common good.” Mahalaga na maging kritikal at mapanuri tayo sa mga kandidatong nag-aanyong tupa ngunit nagbabalatkayo lamang. Sa katunayan, mga lobo silang naghihintay ng pagkakataong kumitil ng buhay ng mga tupang ipinagkatiwala sa kanila. ‘Di nga ba na higit 7,000 na ang napatay dahil sa pangako ng isang pulitiko na masugpo ang droga sa bansa? Hanggang sa kasalukuyan narito pa ang naturang problema at mukhang walang katapusan ito. Isang dahilan ito kung bakit kailangang tanggihan ang mga kandidatong may mga huwad na pangako. Iboto ang mga may tunay na malasakit sa dangal ng bawat tao, na gumagalang at nagtatanggol sa kanyang mga karapatan, na may puso para sa mga nasa laylayan ng lipunan, na may maiging plataporma na makatutugon sa mga suliranin ng bayan at na gagawing prayoridad ang katarungang panlipunan sa lahat ng mga programa ng pamahalaan.
 
The view expressed in this piece are those of the author and do not necessarily represent the views of School of Humanities or the Ateneo de Manila University.