Skip to main content
Main Secondary Navigation
  • About Ateneo de Manila
  • Schools
  • Research
  • Global
  • Alumni
  • Giving
  • News
  • Events
  • COVID-19 Info
Main navigation
COVID-19 Info
  • Learn & Grow
  • Discover & Create
  • Make an Impact
  • Campus & Community
  • Apply
  • Home >
  • News >
  • [Tinig] Pagsasabuhay ng Katarungan at Pag-ibig sa Gitna ng Isang Lipunang Hindi Patas at Hindi Mapagmahal

[Tinig] Pagsasabuhay ng Katarungan at Pag-ibig sa Gitna ng Isang Lipunang Hindi Patas at Hindi Mapagmahal

28 Nov 2022 | Edwin B Odulio

Noong 2017, naglabas ang isang pahayagan ng balitang may pamagat na “8 men as rich as half of the world”. Ipinakilala dito ang walong pinakamayamang tao sa mundo. Bawat isa sa kanila ay may kabuoang yaman na halos kasinlaki ng pinagsamang yaman ng kalahati ng kabuoang populasyon ng mga tao sa mundo.

Nabago na malamáng ang listahang ito, subalit, nananatili pa rin ang kalagayan na habang labis ang yaman ng iilang tao, napakarami pa rin ang kinukulang sa mga pangunahing pangangailangan. Ayon sa isang pag-aaral, 28 milyong tao sa kasalukuyan ang patuloy na naghihirap. Marami sa kanila ang walang maayos na edukasyon, serbisyong pangkalusugan, tahanan, makakain, at trabaho.

Hindi natin nais masamain ang walong pinakamayang tao sa balitang nabanggit. Ang nais nating tutukan ng pansin ay kung paano maitataguyod ang isang lipunan na ang bawat tao ay mabibigyan ng pagkakataong makuha ang mga bagay na kailangan at sapat sa kanila. Ito ay dahil ang pagkakaroon ng malaking agwat sa pagitan ng iilang mayaman at napakaraming mahihirap ay hindi katanggap-tanggap na kalagayan para sa atin na naniniwala sa Diyos na nagmamahal at nagnanais na mapabuti ang buhay ng lahat. Gaya ng sinasabi ng Gaudium et Spes #29: “...excessive economic and social differences between the members of the one human family or population groups cause scandal, and militate against social justice, equity, the dignity of the human person.”

Sa ganitong usapin papasok ang panawagan upang isabuhay ang katarungang panlipunan at pag-ibig na parehong karapatan at responsibilidad.

Bilang Karapatan

May natatanging halaga ang bawat tao sapagkat bawat isa, anuman ang katayuan sa buhay, ay minamahal ng Diyos. Taliwas sa kalooban ng Diyos ang kalagayan na iilan lamang ang sobrang sagana ang buhay at napakarami ang naghihirap. Alinsunod sa katarungang panlipunan, dapat maranasan ng lahat ang maayos na pamumuhay. Isang kongkretong indikasyon nito ang patas na pagbabahagi ng mga yaman at mga benepisyong mayroon sa lipunan para sa bawat miyembro nito upang ang lahat, hindi lamang ang iilan, ang nakatatamasa ng maayos na pamumuhay. Kasama dito ang pagkakaroon ng bawat tao ng maayos na edukasyon, serbisyong medikal, at nakabubuhay na trabaho. Kung ang mga tao ay hindi magkakaroon ng kalagayang ganito, isyu ito ng katarungang panlipunan dahil karapatan ng bawat tao na tamasahin ang mga bagay na makatutulong sa kanila upang mapabuti ang kanilang buhay.

Bilang Responsibilidad

Ang bawat tao ay kapwa sa isa’t isa. Isang mahalagang katotohanan ito na itinuro ni Hesus sa kanyang paglalahad ng mga katotohanan at hinihinging pag-uugali para sa pagdating ng kaharian ng Diyos. Minsan, sa kanyang pagtuturo, winika niya ang dalawang pinakamahalagang kautusan mula sa Mateo  22: 37, 39: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo . . . Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.”

Ang pagmamahal sa Diyos at kapwa ay humihingi ng kaukulang responsabilidad. Hindi maaaring manatiling tagapanood lamang sa mga nangyayaring katiwalian sa lipunan ang isang nagmamahal sa kapwa. Hindi magiging mapagmahal ang mga taong pabaya sa kapakanan ng kanyang kapwa. Hindi makatarungan ang mga taong ayaw makialam sa mga bagay na naglalagay sa kapahamakan at kahirapan ng buhay ng iba. Kayâ naman, bilang obligasyon, ang pagtataguyod ng katarungang panlipunan ay humihingi ng aktibong partisipasyon o pagkilos ng bawat isa na siguruhing magiging makatao ang buhay ng lahat. Isang obligasyon ito ng bawat tao para maitaguyod ang kabutihang panlahat o common good. Ipinagdidiinan ito sa dokumento ng simbahan noong Ikalawang Konsilyo Vaticano. Ayon sa Gaudium et Spes #30: “...the obligations of justice and love are fulfilled only if each person, contributing to the common good, according to his own abilities and the needs of others, also promotes and assists the public and private institutions dedicated to bettering the conditions of human life.”

Ibig sabihin, kailangang gamitin ng tao ang kanyang kakayahan para sa pagtataguyod ng katarungang panlipunan. Isang paraan upang magawa ito sa ating bayan at kalagayan ay ang  pakikilahok ng bawat tao sa mga usapin tungkol sa mga isyu sa lipunan, pagsasalita laban sa mga katiwalian, at pagtutol sa mga ugali, pamantayan, polisiya o batas, at anupamang sistema at katotohanan na mapang-api, hindi mapagmahal, at hindi makatarungan.

Ugnayan ng Katarungan at Pag-ibig

Kung gayon, makikita na may malalim na ugnayan ang pag-ibig at katarungan. Ang pagtataguyod ng katarungan ang layunin ng pag-ibig sa Diyos at kapwa. Ang pag-ibig naman sa Diyos at kapwa ang inspirasyon at prinsipyo ng pagkilos para sa katarungan. Tulad ng sinasabi sa isang artikulo, “... justice is the sign of love in the relation of being with being. That is to say: if there is justice, then there must be love; if there is love, then there must be justice.”1

Makikita ang ugnayan ng katarungan at pag-ibig sa Sampung Utos ng Diyos. Ang unang tatlong utos ay pagpapakita ng pagmamahal sa Diyos.

Unang tatlong utos. Bawat isa sa tatlong utos na ito ay paraan kung paano natin maibibigay sa Diyos ang paggalang at pagmamahal na dapat iukol sa Kanya. Makatarungan na ang Diyos lamang ang sambahin ng tao. Dapat lamang na bigyan ng tao ang Diyos ng papuri at paggalang.

Ang ikaapat hanggang ikasampung utos naman ay mga makatarungang gawain na nararapat tupdin ng bawat tao para sa isa’t isa.

Ikaapat. Marapat na gumalang ang tao sa kanyang mga magulang. Sila ang unang kapwa at lipunan sa kanyang pagsilang.

Ikalima. Tungkulin ng bawat isa ang pangangalaga sa buhay ng lahat. Paglabag sa katarungan ang pagsasawalang-bahala sa mga bagay at kalagayan na maglalagay sa buhay ng sinuman sa kahirapan, kaapihan at kamatayan.

Ikaanim at Ikasiyam. Kailangang igalang ng tao ang mga relasyon ng mag-asawa dahil mahalagang bahagi ito sa pagbuo ng mabuting pamilya, ang pinakamaliit na yunit ng lipunan. Ang katapatan sa relasyon ng mag-asawa ay dapat pangalagaan at protektahan sapagkat paggalang ito sa halaga at dangal ng bawat isa.

Ikapito at Ikasampu. Kailangang igalang tao ang pagmamay-ari ng kapwa. Hindi makatarungan ang pangangamkam o pagnanakaw ng ari-arian ng sinuman lalo na’t bunga ito ng kanilang pinagsumikapan.

Ikawalo. Dapat ding pangalagaan at ipaglaban lagi ng tao ang katotohanan. Hindi makatarungan ang pagsaksi nang hindi makatotohanan, lalo na tungkol sa mga bagay na makakasakit o makasisira sa kalayaan, dangal, at buhay ng sinuman.

Hindi lamang basta mga batas o kautusan ang Sampung Utos ng Diyos. Gabay ang mga ito sa kung paano dapat at ninanais ng Diyos na maging makatarungan at mapagmahal ang tao sa Diyos at sa kanyang kapwa.


Tignan ang mas kumpletong pagtalakay sa isyu na ito sa Edwin B. Odulio at Marvee Anne M. Ramos, Mapasaamin ang Kaharian Mo, Pagsasabuhay ng Pilipinong Layko sa Panlipunang Turo ng Simbahan (Quezon City, Philippines: John J. Carroll Institute on Church and Social Issues at Sangguniang Laiko ng Pilipinas, 2022), 72-79.

1Alexandre Christoyannopoulos and Joseph Milne. “Love, justice, and social eschatology.” The Heythrop Journal 48, no. 6 (2007): 975, citing Paul Tillich, Love, Power and Justice: Ontological Analyses and Ethical Applications (London: Oxford University Press, 1954), 71.


Tinig is a monthly opinion and analysis series from the School of Humanities. The views expressed in this piece are those of the author and do not necessarily represent the views of School of Humanities or the Ateneo de Manila University.

Religion and Theology Higher Education Loyola Schools School of Humanities
Share:

Recent News

Study Grant for Bahasa Indonesia

09 Feb 2023

AJHS conducts first emergency drills since 2019

09 Feb 2023

John Gokongwei School of Management launches Entrepreneur-in-Residence initiative

09 Feb 2023

Grade 6 boys experience two memorable events in one momentous day

08 Feb 2023

You may also like these articles

Eagle1

February 08, 2023

[Tinig] Forgetting and destroying our being kapwa

Last January 21, my close friend and I joined Renacimiento Manila’s Quiapo Heritage Walk. Our last stop was the Bahay Nakpil-Bautista, a historic house museum

Eagle1

February 02, 2023

Synchronized National Interfaith Prayer for Peace and Reconciliation

Together with Filipinos of every creed and denomination, please join us in praying for our country this afternoon, as we commemorate the Day for the

Sto. Nino

January 09, 2023

[AGS] Kapistahan ng Banal na Sanggol o Sto. Niño

Tuwing ikatlong linggo ng Enero, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Banal na Sanggol o mas kilala bilang Santo Niño. Ang Santo Niño ang Panginoong Hesukristo

Jesuit Seal

January 03, 2023

Jesuit Superior General Sosa on the death of Pope Emeritus Benedict XVI

CURIA GENERALIZIA DELLA COMPAGNIA DI GESÙ Death of Benedict XVI, Pope Emeritus 2022/17 TO THE WHOLE SOCIETY The Society of Jesus shares the sorrow of

AGS Parents Advent Recollection

December 19, 2022

Advent Recollection for AGS Parents: daring to hope amidst life’s challenges

“Therefore I tell you, do not worry about your life, what you will eat [or drink], or about your body, what you will wear. Is

Reflection time

December 10, 2022

A spiritually nourishing seminar for AGS parents

In preparation for their sons receiving their First Holy Communion at Ateneo de Manila Grade School, the parents of the boys were invited to a

Katipunan Avenue, Loyola Heights, Quezon City 1108, Philippines

info@ateneo.edu

+63 2 8426 6001

Connect With Us
  • Contact Ateneo
  • A to Z Directory
  • Social Media
Information for
  • Current Students
  • Prospective Students
  • International Students
  • Faculty & Staff
  • Alumni
  • Researchers & Visiting Academics
  • Parents
  • Donors & Partners
  • Visitors & Media
  • Careers
Security & Emergency
  • COVID-19
  • Campus Safety
  • Network & Tech
  • Emergency Management
  • Disaster Preparedness
Digital Resources
  • AteneoBlueCloud
  • Archium
  • Ateneo Libraries Online
  • OBF Mail (Students)
  • Alumni Mail
  • Branding & Trademarks
  • Data Privacy
  • Acceptable Use Policy
  • Report Website Issues
  • Ateneo Network
  • Philippine Jesuits

Copyright © 2022 Ateneo de Manila University. All rights reserved. | info@ateneo.edu | +63 2 8426 6001