Ang kahalagahan ng pakikipagtungo sa kapwa-tao (Grade School commencement 2022 speech)
06 Jun 2022 | Fr Francis Alvarez SJ

This is the transcript of the commencement speech of Fr Francis Alvarez SJ during the commencement ceremonies for the Ateneo Grade School class of 2022, 31 May 2022.
Padre Roberto Yap, mga administrador, mga guro, mga magulang, mga panauhin, mga magsisipagtapos.
Bahagi po ng aking paghahanda para sa mensahe po para sa inyo ngayong hapon ay ang pagpapdala ng ilang mga katanungan sa ating mga estudyante. Gusto ko kasi silang makilala. At habang binabasa ko ang mga sagot ng mga magsisipagtapos, marami po akong natutunan tungkol sa kanila. At marami po akong natutunan mula sa kanila. Reading the responses of our graduates to the questions I sent them, I learned much about them. And I learned much from them. Gusto ko pong ibahagi ang ilan sa mga sagot mula sa kanila sa akin. Sana po, mapansin ninyo ang mga bagay na napansin ko sa mga sagot nila. Ibabahagi ko po ang mga sagot nila sa pamamagitan ng mga “Word Cloud.” At sa mga “Word Cloud” na ito, ang mga mas malalaking mga salita, ibig sabihin po, mas marami ang nagsabi noon.
Simulan na po natin. First question: Looking back, what are you most grateful for? Para saan kayo pinaka nagpapasalamat? Ano ang pinakamalalaking mga salita sa Word Cloud na yan? Mga magsisipagtapos, kanina pa kayo pinapalakpakan, at papalakpakan kayo muli mamaya, pero hindi kayo dapat magpapalakpak lamang. Kailangan palakpakan din ninyo ang mga taong dahilan kung bakit kayo naririto ngayon. Mga magsisipagtapos, magsitayo kayo. Tumingin sa likod patungo sa inyong mga guro at palakpakan ang mga gurong pinasasalamatan ninyo. Manatili kayong nakatayo. Ngayon naman, palakpakan ang isa pang malaking salita diyan sa Word Cloud, ang ating mga magulang.
At ngayon, maaari na kayong magsiupo.
Pangalawang tanong naman: Looking forward, what are you most excited about? Para saan kayo pinaka nananabik pagkatapos ng Ateneo Grade School? Ang inyong mga sagot: new friends.
Pangatlong tanong: What will you miss the most when you leave the Ateneo Grade School? Ano muli ang pinakamalalaking salita? Napinsin ba ninyo ang napansin ko? Alam niyo, sa unang tanong, para saan kayo pinaka nagpapasalamat, pwede niyo namang sabihin na nagpapasalamat kayo para sa inyong mga natutunan. Nagpapasalamat kayo dahil hindi kayo bumagsak, pumasa kayo dahil nag-tagumpay kayo. Nagpapasalamat kayo sa mga medalya at premyong natanggap ninyo. Pero hindi yon ang pinakamaraming sagot. Pinaka nagpapasalamat kayo sa inyong mga guro, sa inyong mga magulang, sa inyong mga kaklase.
Nong tinanong naman kayo, para saan kayo nananabik, pwede niyong sabihin, “Nananabik ako para sa bagong karanasan, sa bagong kaalaman.” Pero ang inyong sagot? “Nananabik ako sa bagong kaibigan.”
At sa pangatlong tanong, ano ang hahanap-hanapin ninyo, pwede niyo namang sabihin ang campus, ang cafeteria, ang silid-aklatan. Ang mga iba’t-ibang ginawa damin dito. Nandyan yan. Pero ano ang pinakamalaki? Mga guro, mga kaibigan. Nandyan din ang mga staff, nandyan din ang mga pal, pati ang mga guwardiya ng Ateneo.
Magandang pabaon para sa inyo, at magandang pabaon para sa amin mula sa inyo. Batch 2022, you value people. You value relationships. Napakahalaga para sa inyo ang pakikitungo sa kapwa-tao. At dapat lang.
Alam niyo po, ang mga kaibigan ko ngayon, ay mga kaibigan ko noong nasa Ateneo Grade School din ako. Hindi na namin naaalala kung ano ang grado namin. Hindi na namin naaalala kung sino ang nakatanggap ng ganito at ganyang parangal. Hindi na rin namin naaala yung mga awayan namin. Naaalala lang namin na kami ay magkakasama. Magkakasama noon, magkakasama pa rin ngayon, kahit iba’t ibang sulok nga ng mundo ang aming kinatatayuan. Salamat sa teknolohiya- sa WhatsApp, sa Viber, at sa Zoom- kapag may namatayan, magsasama-sama muli kami. Kapag may kinasal, magsasama-sama muli kami. Kapag mayroong naging bagong anak, magsasama-sama muli kami. The value of relationships.
Ngayon, hindi ko sinasabing huwag na kayong magtrabaho, huwag na kayong mag-aral, at makipagsalamuha na lang kayo sa inyong mga kaibigan. Hindi. Importante pa rin yon. Pero sana ang lahat ng inyong pag-aaral, ang lahat ng inyong pagtatrabaho, ang lahat ng inyong pagpupunyagi, magpalapit sa inyo sa ibang mga tao. May all of the work that you will do, may all of the striving that you will do bring you closer to people, open you up to more relationships. Because in the future, ano ba ang gagawin ninyo sa malaking bahay na may mataas na bakod kung wala naming bibisita sa inyo o wala kayong binibisita? Aanhin niyo ang maraming kotse kung sa paglalakbay naman ninyo, wala kayong katabi? The value of relationships… yan ang tinuro niyo sa akin. Ang kahalagahan ng pakikipagtungo sa kapwa-tao.
May tinanong pa po ako sa inyo: What would you like to be when you grow up? Pinakamalaking salita diyan, siguro dahil sa pandemya: doktor. Nandyan din ang piloto, ang chef, ang engineer, ang lawyer, ang public servant. Meron din diyan maliit dahil may isang sumagot: pari. Pero, meron din akong ipapakita sa inyong mga sagot. Siguro mas titingkad ito kung balikan natin ang unang tanong ko sa inyo. What are you most grateful for? Para saan kayo nagpapasalamat? Muli, nandyan ang teachers, parents, friends. Pero tingnan niyo ang isang salita sa may taas sa may kanan. Para mapatingkad: help. You are most grateful for the help that you received. Kaya naman noong tinanong ko kayo, ano ang gusto niyong maging pagkatapos ng lahat ng pag-aaral ninyo, at bakit, nandyan ang ‘para maging matagumpay,’ ‘para umangat sa buhay.’ Pero nakita niyo ba ang isang salitang napaka-importante? Patingkarin natin: Help. You have received help, and that is why you want to give help. Muli, ang kahalagahan ng pakikipagtungo sa inyong kapwa-tao. The value of relationships, the importance of people.
Tinanong ko rin kayo, ‘Ano ang mga leksyon na hindi ninyo makakalimutan at saan sila galing? Que ang leksyon ay galing sa pelikulang ‘Encanto’ o sa pelikulang ‘Free Guy,’ o sa ‘Sword Art Online Alicization Lycoris,’ na hindi na ako magpapanggap na alam ko kung ano 'yon. Ano man 'yon, ang leksyon na hindi niyo makakalimutan, dapat walang iwanan. Dapat laging kasama ang pamilya at ang kaibigan. Muli, the value of relationships, the value of people.
Isang paulit-ulit na sagot ninyo ay ang isang nobela. Nobelang ginanap sa isang lugar tulad ng Smokey Mountain o Payatas. Isang nobela ng pagkakaibigan na sinulat ni Andy Mulligan. Surprise quiz- bulagang pagsusulit- ano ang pamagat ng nobelang sinulat ni Andy Mulligan na tungkol sa pagkakaibigan? Ang sagot? “Trash.”
Pumasa kayo sa aking biglaang pagsusulit kaya bibigyan ko kayo ng homework. Gawaing bahay. Mamaya, ikuwento niyo sa inyong mga magulang kung ano ang istorya ng ‘Trash.’
Sisimulan ko na. Spoiler alert po, mga magulang. Ang ‘Trash’ ay tungkol sa tatlong magkakaibigan na napakahirap na nakatira sa basurahan. Pero isang araw, nakahanap ng anim na milyong dolyar. Anim na milyong dolyar. At nung kanilang nakita ito, anong ginawa nila? Isa sa mga huling eksena sa ‘Trash,’ umakyat sila sa bundok ng basura at anong ginawa nila? Pinalipad ang anim na milyong dolyar. Nagtago lang ng kaunting pera para sila ay makabili ng bangka at makapangisda. That story could have ended in a myriad of ways. Maraming posibilidad ng katapusan. Pwedeng yung isang bata, tinraydor yung mga kaibigan niya para makakuha ng mas maraming pera. Pwedeng nag-away-away sila dahil sa anim na milyong dolyar. Pero ano ang nangyari? Kumuha lang sila ng sapat. Yung iba, pinamigay na. Dahil ang importante muli, pakikipagtungo sa kapwa-tao. Okay na ang sapat lang. Basta nandyan ang inyong mga mahal sa buhay at kaibigan.
Huling pabaon ko para sa inyo. Batch 2022, I hope you always remember the date of your graduation. At ano ang petsa ngayon? Mayo trenta-y-uno. Pakiulit po: Mayo trenta-y-uno. Napakahalaga dahil ngayon ay Kapistahan ng Bisitasyon. Ano ba ang nangyari sa Misteryo ng Bisitasyon? Dalawang buntis- si Elizabeth at si Maria- nagkatagpo at ang bata sa sinapupunan ni Elizabeth, nagtatalon, naging masaya noong maramdaman ang bata, ang sanggol sa sinapupunan ni Maria, si Hesus. Batch 2022, hindi man kayo mga babae, kayo ay pwedeng maging buntis. Buntis sa Panginoon. At sa kahuli-hulihan, sa inyong pakikitungo sa inyong kapwa-tao, si Kristo sa loob ninyo ang dadalhin ninyo. At sana ang Kristo sa loob ninyo, magpatalon at magpasaya sa mga kapwa-taong makakasama ninyo.
Huling imahe para sa inyo. Alalahanin ang huling eksena sa ‘Trash.’ Ang mga bata, pinalilipad yung anim na milyong dolyar para mas marami ang makinabang. At yung isang panaginip ni Jun (sic), inisip niya, ‘ang ganda sigurong makita ang mga mukha ng mga batang darating kinaumagahan, kakalkal ng basura, at makakakita ng pera, makakakita ng kayamanan.’ Mga magsisipagtapos, Batch 2022, maraming beses mararamdaman ninyo, ang buhay parang isang bundok ng basura. Pero pag naramdaman niyo ito, isipin ninyo, kahit sa bundok ng basura, pwede pa ring makahanap ng kayamanan. Pero ang kayamanan, hindi lang pera. Ang kayamanan ang alam mong dinadala mo si Kristo sa iba. Ang kayamanan ang iyong pakikipagtungo sa kapwa mong tao. Ang kayamanan ay ang alam mong hindi ka nag-iisa, na meron kang kasama. Sa kahuli-hulihan, ito ang tunay na kayamanan.
Maraming salamat po.