Pag-ibig na Tahimik, Tunay, at Radikal
27 Aug 2022 | Atty Maria Leonor G Robredo
Read the full text of the commencement address of Atty Maria Leonor "Leni" Gerona-Robredo, the 14th Vice President of the Philippines (2016-2022), during the 2022 Loyola Schools General Commencement Exercises on Saturday, 27 August 2022.

Alam na marahil ng marami sa inyo kung gaano kalapit sa puso ng pamilya namin ang Ateneo. Bagaman taga-UP ako, at sa La Salle nag-kolehiyo ang asawa kong si Jesse, produkto naman siya ng Ateneo de Naga High School. 'Yun namang dalawa sa mga anak namin -- si Aika at si Tricia -- dito nagtapos sa Loyola Schools. Kaya nga napakalaking karangalan ng Honorary Degree na iginagawad ninyo sa akin ngayong araw, at ng imbitasyon ninyong makaharap ko ang Class of 2022.
Kayo ang unang batch na magmamartsa nang magkakasama sa panahon ng pandemya; isa kayong batch na bumababa, "down from the hill," 'ika nga, sa panahon ng matinding pangamba at kawalang-katiyakan.
Sa pagninilay para sa talumpating ito, naalala ko 'yung minsang kuwentuhan namin ng mga anak ko tungkol sa isang tanyag na lecture na malamang narinig na ng ilan sa inyo. Ito 'yung "Out of Egypt" lecture ni Dr. Bobby Guevarra para sa Theology of Liberation.
Kuwento ito ng kung paanong lumaya ang mga mamamayan ng Israel sa pagkaalipin sa Ehipto. May isang eksena doon na tumatak sa akin noong marinig ko. Na sa pagtakas ng Israelites, noong nasa pampang na sila ng Red Sea, kaharap ang dagat habang nasa likod ang mga tumutugis na Egyptians, may ilan sa kanilang pinanghinaan ng loob. Bago mangyari ang milagro ng pagbuka ng dagat, noong naipit sila sa pagitan ng pagkaalipin at ng di-matukoy na lalim, ang sabi nila kay Moses: "Bakit mo pa kami dinala dito? Sana iniwan mo na lang kami sa Ehipto. Mabuti pang hinayaan mo na lang kaming manatiling alipin."
Maraming puwedeng itanong tungkol sa kung bakit kaya ganito ang naging daing ng Israelites; kung bakit sa kabila ng pagdurusa, sa kabila ng lahat ng pinagdaanan, naisip nilang mas mabuti pang kapitan ang pamilyar at nakasanayan, kaysa lundagin ang dagat ng kawalang-katiyakan.
Pero ang totoong naging tuon ng pagninilay ko: Ano kaya ang tumakbo sa isip ni Moses noong mga panahong iyon? Si Moses na may-kaya. Si Moses na isinakripisyo ang sariling pribilehiyo para gabayan ang kanyang mga kababayan tungo sa kalayaan. Si Moses na malamang kumatok sa mga pinto, nagbilad sa init ng araw, nagtaya ng lahat para mahimok ang kapwa, dala ang mensahe ng pag-asa. Ano kaya ang naramdaman niya sa pampang habang sinasabihan siya ng mga kababayan niyang, "Dito na lang kami, ayaw na naming tumawid?"
Malakas ang kutob ko na hindi siya nagtampo. Hindi niya inisip na "bakit ba ganoon sila"; hindi niya minasama na 'yung katiyakan na hawak niya ay hindi pa kayang maunawaan ng mga kababayan niya.
Sa harap ng malawak na dagat, iniisip ko ang maaaring narating na kongklusyon ni Moses: Na ang tungkulin niya, hindi lang ang itawid ang mga kababayan niya. Higit pa marahil sa pagdadala sa kanila sa lupang pinangako, tungkulin niya ang samahan sila -- sa takot, sa pangamba, sa pagdurusa kung kinakailangan. Na kung pinili nga nilang bumalik sa pagkaalipin, malamang sumama siya. Dahil ang totoo: Walang ibang landas tungo sa kalayaan kundi ang tunay na solidarya at pakikiisa.

Hindi tayo propeta. Hindi rin natin maaaring asahan ang mga milagrong tulad ng nababasa natin sa bibliya; hindi tayo makakaasa na basta na lang bubukas ang dagat at lilitaw ang landas tungo sa ating mga pambansang pangarap -- na bigla na lang titigil ang kasinungalingan, na masosolusyonan ang gutom at kahirapan, na mabibigyan ng katarungan ang mga inapi at pinaslang. Pero dito ako dinala ng mga pagninilay sa kung ano ang maaaring ibahagi sa inyo, Class of 2022, sa harap ng mga hamon na kailangan nating tugunan sa panahong ito.
Matindi ang mga pinagdaanan natin nitong mga nakaraang taon. Binago ng pandemya ang mundo -- ang paraan natin ng pamumuhay, ng pakikitungo sa isa't isa, marahil ang mismong pagtingin natin sa kung ano ang mahalaga. Minulat tayo ng krisis sa katotohanan na magkakarugtong ang kapalaran ng lahat -- na may mga suliranin na hindi malulutas ng pagkakanya-kanya. Dumaan din tayo sa isang halalan, kung kailan naging malinaw ang mga sugat sa lipunan na kailangan pang hilumin.
Sa mga buwan bago mag-eleksyon, nakita nating gumising ang puwersa ng pag-asa at reporma. Di mahulugang-karayom ang mga rally, at makasaysayan ang ipinakitang pagbubukas-palad ng taumbayang kaisa sa ating mga adhikain. Kabilang ang marami sa inyo, kasama ang napakarami pang ibang kasapi ng Ateneo community, sa mga nagbigay ng todo-todong suporta noong nakaraang kampanya. Noong nagdaos tayo sa Bellarmine Field ng Pasasalamat ilang araw matapos ang halalan, napakaraming dumalo-- parang naging dagat ng tao ang buong kahabaan ng Fr. Masterson Drive hanggang doon sa Gate 2.5. Napakarami sa inyong nag-volunteer, sumama sa mga rally at motorcades, nagsagawa ng mga house to house at lugawan, nagsabit ng mga kulay rosas na parol, at nagbuhos ng pagod at panahon.
Watch the citation video for the honorary doctorate degree conferred upon Atty Robredo.
Naniniwala akong manipestasyon ito hindi lang ng mga adhikaing pinagsasaluhan natin, pero pati ng mga prinsipyong nagbubuklod sa atin. 'Yung paniniwala na bawat tao, may angking halaga at dignidad; may karapatan silang kailangang igalang, kailangang itaguyod, kailangang ipaglaban sa bawat pagkakataon. 'Yung pagtataya para sa kapwa, mulat na magkakarugtong ang diwa ng bawat tao, dahil nagsasalo tayo sa iisang mundo.
Higit sa lahat, binubuklod tayo ng katotohanan: Tunay lang tayong makapagsisilbi kung dadanasin natin ang dinaranas ng kapwa natin, kung makikibitbit tayo sa dalahin nila, makikilakad suot ang parehong tsinelas na nasa kanilang mga paa. Na lalo tayong nagpapakatao kapag 'yung pasakit na pinagdaraanan ng iba, nararamdaman natin bilang sariling pasakit-- kaya nga ang paglaya nila sa pasakit na ito ay sarili din nating paglaya.
Ito 'yung katotohanan na ang paglilingkod ay hindi lang tulong o biyaya na iniaabot mula sa posisyon ng kapangyarihan; panawagan ito para tingnan ang kapwa bilang kapantay. 'Yung paniniwalang ang pagbaba, "down from the hill," ay bahagi lamang ng proseso tungo sa pinakamahalagang layunin: Ang pagpapatag ng burol para wala nang kailangang umakyat o bumaba. Sabi nga ni Fr. Gustavo Gutierrez, isa sa mga kinikilalang tagapagtatag ng Liberation Theology: "If there is no friendship with the poor and no sharing of life with the poor, then there is no authentic commitment to liberation, because love exists only among equals."
Gusto kong diinan 'yung huling bahagi ng sinabi niya: "Love exists only among equals." Kung hindi magkakapantay, walang pag-ibig. At sa kabila ng napakasalimuot na diskurso ng pagpapalaya -- ng development, ng ekonomiya, ng politika, ng istrukturang panlipunan na dumidiin sa napakaraming tao sa buong mundo, umuuwi ang usapan sa pag-ibig.
Malinaw sa akin: Hindi ito 'yung pag-ibig na slogan, na pampagood-vibes lang. Hindi ito 'yung magarbong pag-ibig o 'yung pag-ibig na nagpapalukso ng puso. Ito 'yung pag-ibig na nagsisikap, na nakatingin sa malayong abot-tanaw; tahimik na pag-ibig na nagtatrabaho araw-araw, hindi nagrereklamo o nanunumbat, kundi kumikilos nang nakangiti. Pag-ibig itong tunay na radikal, dahil alam na walang maliit na hakbang, basta't laging nakatuon sa pagkakapantay-pantay.

At kutob ko, ito rin ang naramdaman ni Moses at ng Israelites na humakbang tungo sa dagat, tungo sa kalayaan, inuudyok pasulong hindi ng takot o galit o pangamba, kundi ng pag-asang dala ng pag-ibig at solidarya. Dahil may mas malalim na milagro sa pagbuka ng tubig, at ito ang pagkamulat nila: Hindi ako nag-iisa. Mahal ko ang katabi ko, mahal namin ang isa't isa, at lalaya kami nang magkakasama.
Magsilbi sana itong paalala sa inyo, Class of 2022. Lalabas kayo sa mundo, dala ang diploma at kaalaman mula sa isa sa mga pinaka-prestihiyosong pamantasan sa Pilipinas. Tiyak ko, magkakamit kayo ng mga tagumpay. Pero sa pagitan ng mga tagumpay ninyo, malamang magtataka kayo kung bakit parang ang bagal ng mga proseso; kung bakit parang ang tagal dumating ng pagbabago. May mga panahon na sasagi sa isip ninyo, bakit ba hindi maunawaan ng mga katrabaho ko ang sinasabi ko; bakit hindi tumatalab ang mensahe; bakit parang walang nakakarinig kahit gaano kalakas ang boses ko.
Sa mga sandaling ito, tandaan ninyo ang lahat ng dinaanan ninyo para makarating sa puntong ito: Ang mga araw na kinailangan ninyong pilitin ang sariling bumangon, ang mga gabing nagpuyat kayo para sa mga gawain sa eskuwela, habang nagtatanong kung ano pa ang saysay nito sa harap ng nagbabagong mundo. Isipin ninyo kung gaano kalabo ang abot-tanaw noon. Nagpatuloy kayo, inilagay ang kanang paa sa harap ng kaliwa, dahil binalikan ninyo kung para kanino kayo nagsisikap. Namulat kayo sa halaga ng bawat hakbang; na walang nasasayang, lahat mahalaga. Nagpatuloy kayo, hindi nag-iisa, ngunit kasama ang kapwang nakibitbit sa inyo -- mga kaklase, kaibigan, magulang, guro, lahat ng nag-ambagan at nakiisa sa minsan tahimik, ngunit palaging umiibig, na paggawa at pagsisikap ninyo. Narito na kayo ngayon, bitbit ang mga aral ng mga nakaraang taon. Hinahamon kayo ng panahon, at buong-buo ang tiwala ko sa kakayahan ninyong tumugon.
Maraming salamat sa pamunuan at buong pamayanan ng Ateneo sa paggagawad sa akin ng Honorary Doctorate ngayong araw. Sa karangalang ito, parang naisakongkreto 'yung matagal ko nang nararamdaman -- na may bahagi ng puso ko na Atenista. Taas-noo kong dadalhin ang pagkilalang ito, na patunay na pagkakahanay ng mga paniniwala at pilosopiya natin.
Binabati ko ang mga graduate ng Pamantasang Ateneo de Manila, Class of 2022. Mabuhay kayo, mabuhay ang Ateneo, mabuhay ang sambayanang Pilipino. Ad Majorem Dei Gloriam!
(Images by Aaron Vicencio / UMCO / Ateneo de Manila University)