[AGS] Kapistahan ng Banal na Sanggol o Sto. Niño
09 Jan 2023
Tuwing ikatlong linggo ng Enero, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Banal na Sanggol o mas kilala bilang Santo Niño. Ang Santo Niño ang Panginoong Hesukristo na isinilang ng Mahal na Birheng Maria - Diyos na nagkatawang-tao, nakipamuhay sa atin, at nakisama sa atin. Ipinagdiriwang natin ito dahil limandaang taon na mula nang mapunta ang imahen ng Santo Niño sa ating kapuluan. Maituturing itong isang punla ng pananampalataya kay Hesus dito sa ating bansa. Ang Santo Niño ay minahal ng mga Pilipino dahil tanda ito na mahal na mahal tayo ng Diyos. Ang Diyos natin ay hindi naging iba sa atin. Gaya natin, naging tao siya at naging bata gaya natin. Ipinagdiriwang natin ang kapistahang ito sa AGS dahil kapistahan ito ng mga bata. Ipagdasal natin ang lahat ng bata lalo na ang mga batang kapos sa buhay at nasa bingit ng karahasan. Ipagdasal din natin na sa harap ng Diyos, lahat tayo, kahit anumang edad, ay maging tulad ng mga bata - mga batang kumikilala sa Diyos bilang Ama, nananalig at nagtitiwala sa kanyang kabutihan, paggabay, at pag-ibig. Maging tulad din tayo ng bata sa pagturing sa kapwa: walang panghuhusga, lahat kaibigan, hindi nang-aapi, at hindi nanlalamang. Umunlad nawa ang ating karunungan at lalo nawa tayong kalugdan ng Diyos at ng mga tao.
Isinulat at disenyo ni Gg. Jeff Velasco
Recent News
40 Days of Lent: Day 13
25 Mar 2023
AJHS Fair "Lipad" happens on April 14 & 15, 2023
24 Mar 2023