Samar nakatakdang magbigay ng propesoryal na lektura ukol sa komiks

November 20, 2015

Malugod po kayong inaanyayahan ng Office of the Associate Dean for Research and Creative Work at ng University Research Council sa Propesoryal na Lektura ni Dr. Edgar C. Samar na pinamagatang
 
"Ang Dalawang Halimaw ni Mars Ravelo, at Ilang Panimulang Talâ sa Pagbabasá ng Komiks bílang Disiplina"
 
Ito ay gaganapin sa ika-26 ng Nobyembre 2015, 4:30PM - 6:00PM sa 5/F, New Rizal Library.  
 
Ilalatag sa unang bahagi ng panayam ang kondisyon ng kasalukuyang pagbabasá, pananaliksik, at pag-aaral ng komiks sa bansa, at ang malaking kahingian sa pagkakaroon ng isang katanggap-tanggap na artsíbo––masaklaw at masinop––at espasyo para rito sa loob ng akademya. Kaugnay nito, ipakikilala ang kasalukuyang klase sa Komiks at Kababalaghan at ang pagsisikap na pasimulan ang website na NobelangKomiks.com. Sa ikalawang bahagi, susubukin ang isang paraan ng pagbása sa komiks nang nakatuon sa imahinasyon nito ng kagila-gilalas at kung paano nilikha ni Mars Ravelo, isa sa mga matagumpay na awtor ng komiks sa Filipinas, ang dalawang larawan ng halimaw sa mga pinakapopular niyang nobelang komiks: ang Darna (1950, guhit ni Nestor Redondo) at Dyesebel (1952, guhit ni Elpidio Torres). Sisipatin dito ang pangangailangan ng mga nobelang komiks sa paghaharaya sa halimaw upang lumikha ng diskurso sa pagkatao sa mga paraang hindi tuwirang hinarap ng pagsusulat ng nobelang prosa sa bansa. 
 
Si Edgar Calabia Samar ay nagtuturo ng panitikan at malikhaing pagsulat sa Ateneo de Manila University, at isang premyadong manunulat. Kumuha siya ng AB Psychology (2002) at MA in Literature-Filipino (2004) sa Ateneo, at nagtapos naman siya ng doktorado para sa Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman noong 2011, kung saan siya pinarangalan ng Gawad Antonio Abad para sa Pinakamahusay na Disertasyon ng Kolehiyo ng Arte at Literatura. Nagwagi na ang kaniyang mga akda sa Palanca Memorial Awards for Literature, PBBY-Salanga Writer’s Prize, Gawad Komisyon sa Tula, Gantimpalang Collantes, at NCCA Writer’s Prize. Ilan sa mga aklat niya ang Eight Muses of the Fall (salin sa Ingles ng una niyang nobelang Walong Diwata ng Pagkahulog, na longlisted din sa 2009 Man Asian Literary Prize), at Sa Kasunod ng 909 at Halos Isang Búhay: Ang Manananggal sa Pagsusulat ng Nobela na parehong nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board bílang Pinakamahusay na Nobela at Pinakamahusay na Aklat ng Kritisismo noong 2013. Noong 2014, inilathala ang una sa serye ng kaniyang nobelang young adult na Si Janus Silang at ang Tiyanak ng Tábon; ngayong taon, inilathala naman ang aklat niyang 101 Kagila-gilalas na Nilalang, isang sanggunian ng mga tauhang pantastiko mula sa ating mga akdang-bayan. Nasimulan at natapos niya ang mga ito bílang Research & Creative Work (RCW) Faculty sa Ateneo. Kasalukuyan siyang kasapi ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at Filipinas Institute of Translation (FIT), dalawa sa mga pangunahing samahan ng mga makata at tagasalin sa bansa. Nakapagbigay na siya ng mga panayam sa panitikan, wika, kulturang popular, at malikhaing pagsulat sa iba’t ibang panig ng Filipinas mula sa Batanes sa Hilagang Luzon hanggang Lungsod Zamboanga sa Katimugang Mindanao, gayundin sa labas ng bansa, tulad ng China, Thailand, at Estados Unidos, na nag-imbita sa kaniya noong 2010 bilang writer in residence sa International Writing Program ng University of Iowa. 
 
Ito ay inihahandog sa tulong ng Office of the President, Paaralang Humanidades, Kagawaran ng Filipino, at ng Rizal Library.
 
Ang panayam ay bukas at libre sa lahat ng nais makilahok. May munting meryenda sa pagtatapos ng panayam. Sa lahat ng nais dumalo, maaari po lamang magpalista sa https://goo.gl/8O9ng0.