Bata’t Mga Panahon

March 07, 2019
By: 
Christian Jil R. Benitez

Matagal naman nang hindi inosente o walang kamuwang-muwang ang bata. Kung tataluntunin ang kasaysayan ng Pilipinas sa mga talang pampanitikan, makikitang hindi basta likas na umiiral ang katawan ng bata. Sa halip, isa itong posisyong nililikha rin ng mga gumaganang salik panlipunan.
 
Sa pagbaling sa panahon ng mga Kastila, halimbawa, sa pagbasa nito sa pamamagitan ng proto-nobelang Ang Pagsusulatan ng Dalawang Binibini na si Urbana at si Feliza na isinulat ng paring si Modesto de Castro, ang bata ay isinasakatawan kay Honesto, ang nakababatang kapatid ng dalawang binibining nagsusulatan. Si Urbana, bilang nakatatanda at may pinag-aralan, ang mariing nagpapaalala kay Feliza hinggil sa nararapat na pagturing sa kanilang bunsong kapatid: dapat itong pakitaan ng mabubuting asal upang sa gayon lumaki rin si Honesto bilang isang taong may mabuting asal.
 
Maaaring mapahalagahan sa isang banda ang ganitong pagturing sa bata bilang tinuturuan, at samakatuwid pawang tagatanggap ng mga aral, bilang alinsunod sa kalagayan ng kanilang panahon. Sapagkat sa gana ng namamayaning Katolisismo, mahalaga ang ganitong pagsasaalang-alang sa kung papaano palalakihin ang bata bilang paraan ng pangangasiwa sa mga tao, at nang sa gayon maipagpatuloy ang institusyong pinangangalagaan bilang sagrado ng simbahan, ang pamilya.
 
Subalit sa paglaya ng Pilipinas mula sa mga Kastila, nangyari pa ngang mapatatag ang pasibong pagtingin sa bata, kasabay ng mga pangako tungo sa demokrasya ng mga kagyat na mananakop na Amerikano. Mahalaga sa panahong ito ang pormalisasyon ng pampublikong edukasyon, na siyang naglatag at nagpatibay ng uliran para sa ideal na buhay: ang pagkabata ang panahon para mapag-aaral, hanggang sa makatapos sa hustong gulang kung kailan maipapaloob na ang bata sa kalakarang pang-industriya.
 
Sa ganitong mga pagturing sa bata bilang nararapat turuan, nakapailalim ang kritikal na pagpapalagay na wala ngang kaalam-alam ang bata, kung kaya maging sa kanyang pagkakataon para umalam, kinakailangan pang ituro sa kanya nang isa-isa ang mga dapat niyang malaman. At sa ganitong paraan, nahihinuha rin ang pagpapalagay na taglay na ng mga nakatatanda ang katiyakan hinggil sa mundo, kaya ang nakatatanda rin ang nakatitiyak kung aling mga kaalaman ang kinakailangan at nararapat. Na animo walang kakayanan ang bata na matuto sa pamamagitan ng kanyang mga sariling pamamaraan.
 
Ano samakatuwid ang bata kung hindi pagsasakatawan ng kapalaluan ng nakatatanda, animo salamin na kanilang tinititigan upang makita ang kanilang ipinagmamalaking “pagkamaalam.”
 
Sa pagtatangka kung gayon na ibaba ang edad para sa pananagutang pangkrimen, lumalabas na pinapaaga ng mga nakatatanda ang panahon kung kailan maaaring ipagpalagay na alam at tiyak na ng isang indibidwal ang mundo. Pinamamadali nila ang panahon ng bata sa pagkatuto, upang sa gayon higit na maaga rin silang maipaloob sa kalakarang tinatawag nilang batas. Sa ganitong paraan, ano pa ang nananatili sa katawan ng tinatawag nilang bata kung hindi ang panahong hinihintay na lamang hanggang maipaloob na ito sa wakas sa kanilang batas.
 
Subalit ano nga ba ang batas kung hindi panuto ring sinusundan ng mga bata sa isang laro. Nagkakaiba lamang ang dalawa ayon sa kung anong nalalaman ng bata, na maaaring hindi na nalalaman ng lahat ng nakatatanda: na ang laro ay pansamantala at maaaring ihinto sa anumang sandali, sapagkat nauunawaan ng mga batang manlalaro na kung minsan ay may madadapa, o may kailangang magpahinga, o may matatawag ng kanyang nanay para umuwi, kaya kailangang ibinbin ang mga panuto ng laro.
 
Ang ganitong kamalayan ng bata hinggil sa pagiging pansamantala ng mga bagay ang kanyang kalakasan: hindi matatag at panghabambuhay ang mga kaayusan, kung kaya naaari niya ang pagkakataong maging makulit, ang panahon para maglaro at makipaglaro. Tulad ng naaaring pagkakataon ng batang tagapagsalaysay sa “Ang Kuwento ni Mabuti” ni Genoveva Edroza-Matute: sa kanyang sariling mga pamamaraan, natutunan niya ang lihim na pinagdaraanan ng kanyang guro, at sa sandali ng kanyang pagkaalam nito, animo naisalaro niya ang mundo, likhain ito kung saan ang nakatatandang guro ay nakikita rin bilang isang batang tulad niya.
 
Subalit hindi naaari ang ganitong panahon para sa paglalaro sa batas. Sapagkat ipinagpapalagay nito ang sarili bilang hindi pansamantala, sa paraang hindi kasindali ang pagbibinbin ng bisa nito sa anumang sandali. Hindi ito katulad ng panuto ng laro na mapagpatawad sakaling may isang hindi sinasadyang nakatapak sa mga guhit na inilatag nito. Maaaring hindi nito maunawaan ang napakaraming salik na nakapagtutulak sa isa sa kanyang maaaring hindi sinasadyang pagtapak sa mga nasabing guhit.
 
Sapagkat batas ang batas, at bawat pagtapak sa mga guhit nito ay may katumbas na parusa. At hindi katulad sa panahong ipinagkakaloob ng laro para sa pakikipagtalo (na hindi naman daw talaga natapakan ang guhit, nadaplisan lamang!), hindi mababali ang batas (kahit pa magmakaawa ang isa na wala talaga siyang nalalaman sa tinatanong sa kanya ng batas, na kailangan pa niyang mag-aral para sa pagsusulit niya bukas!).
 
Hindi mababali ang batas, at hindi rin ito magpapabali, lalo na sa panahong nasa mga kamay ng nakatatandang palalong nagpapalagay na nalalaman at natitiyak na niya ang lahat. Dito samakatuwid natutunton ang ubod ng batas: ang ganang pagpapalagay nito ng kaganapan ng kanyang kaalaman at katiyakan hinggil sa mundo.
 
Sa kasalukuyang suliranin kung gayon hinggil sa tangkang pagpapababa ng edad para sa pananagutang pangkrimen, ang ubod din nito ay wala sa nililikhang katawan ng bata, kung hindi sa palalong pagpapalagay ng mga nakatatanda na alam at natitiyak na nga nila ang lahat. Kung kaya higit pa sa edad, ang kritikal na usapin sa nasabing tangka ay ang kabuuan ng batas, ang mga pagpapahalaga at paninimbang nitong humuhubog sa mga mamamayan at kasaysayan nito, at ang mga pagpapalagay hinggil sa kaalaman at katiyakan na sinasaligan ng lahat ng ito.
 
Kung kaya higit sa lahat, nakataya dito ang panahong inilalaan pa ng batas para sa pagkatuto. Sapagkat sa rehimeng ito kung saan wala nang sandaling ipinagkakaloob maging para sa pagpapaliwanag, panahon ang ipinagkakait sa mga nasasakdal at napagkakamalan: ang panahon para mapakinggan, ang panahon para mailahad ang kanilang katotohanan, na kung tutuusin ay ang kanilang panahon din para sundin ang kanilang hinihirang na batas. O, kung tunay ngang nagkamali, ang panahon para matutunan ang pagkakamaling ito, at kung hindi na magagawang maitama ito, ang panahon para hindi na gawin itong muli.
 
O ang panahon para makalabas man lamang ng bahay nang walang pangamba para sa panahon ng ligtas ding pag-uwi.
 
Ang panahon para makapaghapunan, sapagkat may panahon para makakain, may panahon para magkaroon ng sapat na makakakain; at ang panahon kung kailan hindi lamang sa kasalong teleserye sa paghahapunan totoo ang kadakilaan ng mga alagad ng batas.
 
Ang panahon para madalumat ang maaaring mga panahong ito, na hindi naaari sa panahong ito ng kasalukuyang rehimen.
 
Kaya ang panahon din para pangarapin ang pagkakataong maari ang mga panahong ito. O kaya, ang panahon para pangarapin man lamang ang pagkakataon ng sarili na maging batang tulad ng mga bata ring bayani ng ating mga epiko: punung-puno ng pagkakataon, kaya may panahon para sa panahon.
 
Ang maging tulad ng bayani ng ating epiko sa pagkakaroon ng panahon para sa mga panahon, maging sa panahon para magkamali at matuto: sa pagkakamali ni Labaw Donggon, halimbawa, na hindi pagtunton sa tunay na kahinaan ng kalaban niyang si Saragnayan, nabihag siya nito, para lamang masagip at matulungang magapi ang kalaban sa huli, salamat sa kanyang dalawang anak.
 
Ito ang panahon samakatuwid ng pagtatayang hindi basta walang kamuwang-muwang ang bata sapagkat sa isang katotohanan, sa gana ng kanyang mapaglarong sarili, hindi maitatangging walang makahihigit sa ipinagkakaloob niya sa ating mga panahon.
 
The views expressed in this piece are those of the author and do not necessarily represent the views of School of Humanities or the Ateneo de Manila University.