Text of the response of Milwida M Guevara, head of Synergeia Foundation
Acceptance of the Ozanam Award, Milwida M. Guevara in behalf of Synergeia
Naniniwala po akong lahat sa Synergeia ay galing sa Panginoon--- misyon, balakid, ang aming staff, ang aming partners. Kaya po may nagtatanong, paano ba sumapi sa Synergeia? Ang sabi ko po, hindi namin pinipili. Hindi rin kami nag-mamarket o nakikiusap. Ibinibigay ng Diyos. Kaya po itong Ozanam award, galing sa Diyos. Purihin Siya at salamat po sa Ateneo University sa pagkilala sa pangangailangan ng batang Pilipino at ng mga programang makatutulong upang magkaroon sila ng mabuting edukasyon.
Mahirap pong maintindihan ang programa ng Synergeia. Madaling makita ang paggawa ng paaralan, ang pagtitipon ng mga bata sa kalye upang turuan. Subalit ang pagbuo ng isang pamayanan upang sama- sama nilang bigyan ng mabuting edukasyon ang bata, ano ba yon? Mahirap ipaliwanag ang programang guimigising sa kamulatan ng bawat mamamayan na bawat isa ay tinatawag sa pagbibigay ng mabuting kinabukasan sa batang Pilipino. Mahaba ang proseso. At sa panahong lahat ay mabilis:--- wifi, instant, coffee, love at first sight, nakakainip. Ang pagmumulat ng kaisipan ng bawat mamamayan sa tunay na suliranin ng edukasyon, ang pagtitippn- tipon sa kanila, ang pagkakaroon ng malayang talakayan, ang sama- samang pagbalangkas at pagsasagawa ng programa, sobrang tagal, sobrang pagod.
Unang-una, parang walang dating ang elementary education. Ako nga, tingin ko bumaba ako ng ilang ranggo. Mula sa paglutas ng suliranin sa deficits, public debt, at fiscal program, feeling ko, hindi pang-PhD ang programa sa elementary education. Ginawa ko rin ang pangmam aliit sa akin noon na wala raw akong k na magturo sa college dahil ang background ko elemetary teacher.
Subalit wala palang sukat ang hamon at halaga ng pagbibigay ng mabuting bukas sa mga bata sa pamamagitan ng pagtatapos nila sa mababang paaralan. Hindi lang pang-Ph.D. Sobra-sobra pa ang requirements.
Paano mo ba maaakit sa meeting ang mga magulang na naghahanap buhay maghapon sa bukid at nagpapatuyo ng isda sa araw? Paano mo ba mapauunawa na kailangang bigyan nila ng panahon ang mga anak e kung makain lang, sila ay walang-wala? Paano mo ba mayayakag ang pinuno ng isang siyudad, lalawigan, at bayan na pangunahan at makinig ng isang umaga sa problema ng mga bata dahil naririndi rin sila sa problema ng baha, kalusugan, kapayapaan at kahirapan? Mapaupo mo lang sila sa isang umaga, pahirapan.
Paano mo ba bubuksan ang pamamahala ng paaralan sa maraming tao e higit na madali kung ang superintendent or principal lamang ang may kapangyarihan? Nakakatakot, ang daming kukulit. Ang daming magtatanong. Ang daming mungkahi at siempre, mababawasan ang kapangyarihan sa pagsasali ng iba.
Paano ba lulunasan ang suliranin ng mga bata---gyera, rido, walang palikuran, gutom, dami ng kapatid, gurong wala sa paaralan, gurong kaya lamang nagtuturo ay dahi lsa sweldo, gurong hindi masyadong magaling, magulang na walang pakialam, walang uniform, walang bahay,. DIyos ko po, isang libo, at isang laksang hamon.
Subalit nakakaya ang lahat. Sabi nga ng Fr. Jett, kapag minahal mo ang maliliit at ang mga paslit na walang kamuwang- muwang, lilingon ang langit. Tunay po, lagi kaming nililingon ng langit. Kailangan lamang, maniwala, magtiwala, at gumawa ng buong puso at lakas. Maraming kasamang luha at pagmamahal.
Ang Synergeia ay nagmula sa pagsasarado ng isang pinto. Nagsarado ang Ford Foundation sa Pilipinas. Nawala ang mina at ginto. Paano tayo ngayon? Ang sabi po ni Fr. Felloni, higit na mahalaga ang pangarap kaysa sa ginto.
Kaya sama sama po kaming nangarap—na lahat ng bata, pagsusumikapan naming makatapos man lamang ng grade six, at makabasa. Paano namin gagawin ito? Ang susi, ang sama- samang pagkilos ng mamamayan sa pangunguna ng mga alkalde at gobernador. Ang swerte namin, dahil binigyan kami ng isang Jesse Robredo na isinabuhay kung paano ang pagbubuklod ng mamamayan sa paglutas ng problema. Lahat po pala magagwa kung sama- sama at nagtitiwala sa bawat isa.
Ang Synergeia po ang nagsimula ng pagtawag ng lahat ng mamamayan sa education at school summit. Ang mayor at gobernador ang nagbibigay ng state of education address. Walang information overload. Ano ba ang participation, cohort survival rate, Nat score? Tapos pakikinig at pabuo ng programang batay sa kanilang pangarap, at mga suliraning hinaharap ng mga bata. Pagkatapos, ang pagsasagawa ng mga balak. Hindi bongga. Sabi ni Fr Ben, maliliit na hakbang na kapag nagsama- sama, bagyo ang dating. Pagsasanay ng ng mga guro, nanay tatay teacher workshop, reinventing local school board, influencing, pressuring, brainwashing local chief executives to be education mayors, governors, translating programs into systems and processes, pagsusuri ng resulta sa pamamagitan ng numero at patuloy na pagsasama ng ibang may “bleeding hearts” ay dakilang miron . Batay po sa theory of change na sinabi ni Prof. Garilao at pagpapatibay ng “social capital” na ipinaliwanag ni Prof. Porio.
Napakalaki ng social capital na hinhubog ng sama- samang gawain at pagmamahal sa isa’t-isa. Naroon ang Synergeia kapag sinuspinde ang alkalde, binagyo at nagkagulo ang pamayanan. Naroon kami kapag may nagkasakit, may ikinasal, may nag-birthday, sa paghingi ng pork barrel, at marami pang iba.
Ang dami dami pong biyaya ng langit. Si G Washington Sycip na nagbigay sa amin ng unang puhunan at walang sawang ibinabando na ang pagpapabuti ng edukasyon ng mga bata ang simula ng pag unlad, si Fr Ben na humubog sa aming pilosopiya ,nagbigay sa amin ng tanggapan sa Ateneo Rockwell at inangkin na programa ng Ateneo ang Synergeia. Ang aming mga trustees sa pangunguna ni Fr. Jett. Hindi kumukurap ang mata ng aming mga partners kapag siya ay nagsasalita. Ang aming staff, partners, mentors. Walang iwanan. Sabi ni Dr. Tonton, Never Ending, never exiting.
Ang sabi po ni Fr jett ang kalakip na gantimpala ng Ozanam award, mula sa langit. Bahagi poi to ng langit sa lupa.
Buong pagpapakumbaba at pasasalamat naming tinatanggap ang Ozanam award. Sa panalangin ni St. Ozanam, sa pagkakandili ng Birhen Maria, at sa awa at tulong ng Panginoon, ipagpapatuloy po naming ang paglilingkod sa mga batang Filipino.